Home OPINION KASO KAY RECTO, MAY AGENDA, HINDI HUSTISYA

KASO KAY RECTO, MAY AGENDA, HINDI HUSTISYA

277
0

ANG kasong isinampa laban kay dating Finance Secretary at ngayon ay Executive Secretary Ralph G. Recto kaugnay ng PhilHealth fund transfer, kahit saang anggulo tingnan, ay hindi usapin ng hustisya. Isa itong malinaw na ehersisyong pulitikal o isang palabas na ang target ay hindi korte, kundi opinyon ng publiko.

Kung talagang may krimen, bakit tila bingi at bulag ang mga nagsampa ng reklamo sa paulit-ulit na pahayag ng Korte Suprema? Hindi isa, hindi dalawa, kundi ilang mahistrado na ang nagsabing walang nilabag na batas si Recto. Walang plunder. Walang malversation. Walang personal na pagkamal ng pondo. Sa madaling salita: walang ninakaw, walang krimen.

Ngayon, itanong natin: mas marunong pa ba ang mga complainant kaysa Korte Suprema? Mas mataas ba ang kanilang interpretasyon ng batas kaysa sa pinakamataas na hukuman ng bansa?

Ang ginawa ni Recto ay hindi komplikado. Sinunod niya ang malinaw na probisyon ng 2024 General Appropriations Act. May mandato ang batas. May utos ang Kongreso. Bilang Kalihim ng Pananalapi, obligasyon niyang ipatupad iyon. Kung tumanggi siya, siya pa ang maaaring managot sa paglabag sa batas. Iyan ang simpleng katotohanan na pilit binabaluktot ng mga naghahabol ng isyu.

Ngunit imbes na igalang ang desisyon at paliwanag ng Korte Suprema, biglang may mga grupong sumusulpot—may reklamo, may press release, may nakahandang soundbite para sa media. Hindi hustisya ang pakay kundi ingay ang hanap. Hindi resolusyon ang nais kundi eksena.

Hindi na ito bago sa ating pulitika. Kapag may pagkakataong gawing kontrabida ang isang opisyal, may mga eksperto sa kasu-kasuhan na agad aaksyon. Hindi mahalaga kung mababasura sa korte. Ang mahalaga, may headline, may duda, may bahid.

Pero sa ganitong laro, hindi lang si Recto ang pinupuntirya. Ang mas malaking biktima rito ay ang tiwala ng taumbayan sa sistema ng batas. Kapag ginagawang sandata ang reklamo para sa pulitikal na ambisyon, nilalason nito ang demokrasya at binababa ang kredibilidad ng tunay na laban kontra korapsyon.

Kung may tunay na pagnanais sa hustisya, igalang ang batas at ang Korte Suprema. Kung puro ingay lang ang habol, huwag na nating ipagkunwari. Ang bayan ay hindi na dapat niloloko pa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here