MANILA, Philippines – Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, tila naghahanda si dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral na magbigay ng “tell-all” tungkol sa kontrobersiya sa flood control bago siya pumanaw noong Disyembre 18.
Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na nakipag-ugnayan si Cabral sa kanya at handang magbigay ng impormasyon matapos siyang banggitin ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa isang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Bago ang kanyang kamatayan, iniulat na nakatakda si Cabral na magpatotoo tungkol sa Special Allotment Release Orders (SARO), kabilang ang dokumentong umano’y naglalahad ng P50 bilyon na unprogrammed fund insertions sa pambansang budget.
Ayon sa umano’y “Cabral files,” may limang miyembro ng Gabinete na may allocable at non-allocable funds sa 2025 budget, kabilang ang isang opisyal na tinukoy lamang bilang “ES” na may P8.3 bilyon. Ang dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ay may nakatalang P30.5 bilyon, habang ang ilang Cabinet secretaries ay may tig-P2 bilyon, kasama ang bilyon-bilyon para sa House leadership at ilang party-list representatives.
Ani Lacson, “The information I got is based on documents given to me by Cabral’s lawyer and from documents I obtained from the DPWH. These documents can be authenticated.”
Idinagdag niya, “Why should Cabinet secretaries get allocables? I thought allocables were for lawmakers to request projects for their districts, which, to me, is still unacceptable because the National Expenditure Program is the exclusive domain of the executive department.”
Kapag na-authenticate, maaaring imbitahan ang ilang Cabinet members na nakasaad sa dokumento sa Senado para sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee tungkol sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ang umano’y Cabral files ay naglalaman ng ulat ng DPWH allocations kada distrito, probinsya, at rehiyon mula 2023 hanggang 2026 at ipinasa umano ni Cabral kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste, na inilabas ng mambabatas pagkatapos ng kanyang kamatayan. RNT/MND