Home OPINION PAGTITIWALA KAY PBBM NALUNOD; SARA TUMAAS

PAGTITIWALA KAY PBBM NALUNOD; SARA TUMAAS

229
0

PAANO kung magtutuloy-tuloy ang matinding pagdayb ng pagtitiwala ng taumbayan kay Pangulong Bongbong Marcos at sa kabilang banda, magtutuloy-tuloy rin ang pag-angat o, at least, hindi pagbagsak ang kay Vice President Sara Duterte?

Tayo’y nagtatanong sa gitna ng pinakahuling sarbey ng Social Weather Station na ginawa nito lamang Nobyembre 24-30, 2025.

Akalain ba nating nalunod sa ilalim ng tubig o negative 3 percent ang pagtitiwala ng taumbayan kay PBBM habang tumaas sa 31% ang kay VP Sara.

Ayon sa SWS, naging negative 3 ang pagtitiwala kay PBBM nang lumitaw na may 41% para sa kanyang “little trust rating” kumpara sa 38% “much trust rating” niya.

Si VP Sara naman, nagkaroon ng 56% na ‘much trust score’ laban sa 26% na mayroong ‘little trust’ sa kanya.

Noong Oktubre, mababa na nga ang grado ng Pangulo sa 7%, lalong naging masama nang malunod ito sa -3% habang tumaas ang kay VP Sara ng 27%.

Sa Luzon na labas ng Metro Manila lang nakakuha si PBBM ng positibong grado na +18 ngunit bumagsak siya sa -37 sa Mindanao, -7 sa Visayas at -8 sa Metro Manila

Kay VP Sara, walang negatibo kundi positibo sa lahat ng lugar.

Nasa 1,200 ang sinarbey sa buong bansa.

ANYARE?

Nauna sa sarbey, Nobyembre 13, 2025, nang magsimulang mag-anunsyo si PBBM na may mga magpa-Pasko na sa kulungan na mga korap dahil sa matinding anomalya sa P1.2 trilyong iskam sa mga flood control project na naganap sa unang tatlong panunungkulan niya.

Tuloy-tuloy ang pag-uulat nito ukol sa pagkukulong habang nag-iimbestiga ang Independent Commission for Infrastracture, Office of the Ombudsman at Department of Justice.

Dumating ang Pasko, tanging si Sarah Discaya, ilang kontraktor at ilang maliliit na empleyado lamang ang naaresto at nakulong.

Katulong ni PBBM, naghahayag din si Presidential Communications Office Undersecretary Atty. Claire Castro ukol sa pagkukulong at sinabi pang darami ang makukulong sa Enero 2026.

Nitong huli, biglang nagtanong mismo si Senador Ping Lacson: “Nasaan ang mga big fish?”

Nananatiling katotohanan ang salita ni Sen. Dante Marcoleta na mga butete at sapsap lang ang makakayanan ng administrasyong Marcos na magpa-Pasko sa kulungan.

Hindi kaya makadaragdag ito sa nalulunod na pagtitiwala ng taumbayan kay PBBM?

MAS MATINDI PA

Marahil, higit na nakasama sa pagtitiwala kay PBBM ang paglitaw ng mga umano’y anomalya na kinasasangkutan na rin ng pamilya nito.

Isang akusasyon ang multibilyong piso, mahigit P50 bilyon, flood control projects mismo ng kanyang anak na si Ilocos Congressman Sandro Marcos na sina Curlee at Sarah Discaya ang ilang kontraktor sa mga ito.

Naririyan pa ang akusasyong sangkot si First Lady sa pagkontrol sa importasyon ng sibuyas, asukal at bigas at sa huli, sa P100 milyong sarili nitong proyektong kalsada sa Cauayan, Isabela na inuugnay naman kay House Speaker Bojie Dy, ayon sa Cabral Files na ibinunyag ni Batangas Cong. Leandro Legarda Leviste.

Para kay dating Senate President Franklin Drilon, wala ni anomang karapatan o kapangyarihan ang First Lady na sumangkot sa ganitong proyekto.

Sa susunod, hindi kaya lalong malulubog sa baha ang pagtitiwala ng taumbayan kay PBBM?

Dapat ituwid ni PBBM ang dapat na ituwid.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here