SIMPLENG tanong ang namumutawi sa isip at bibig ng karaniwang mamamayang dumaraan araw-araw sa EDSA maging driver, o commuter. Alam n’yo kung ano? Paano o bakit nasabi ng gobyerno na hindi maaapektuhan ang trapiko sa rehabilitasyon ng EDSA?
Nararanasan naman natin ngayon na kabaligtaran ang kanilang sinasabi sapagkat napakatraffic ng nasabing highway. Kaya naman lumalakas ang panawagan ng Lawyers for Commuter Safety and Protection laban sa Department of Public Works and Highways.
Bilang isang abogado, malinaw na hindi ito simpleng reklamo lang sa trapiko. Usapin ito ng tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.
Hayagang inanunsyo ng DPWH na ang EDSA rehabilitation ay hindi raw magdudulot ng matinding pagsisikip. Pero ang reyalidad sa kalsada ang nagsalita. Mas mahabang oras sa biyahe, mas pagod na katawan, mas kaunting oras sa pamilya.
Alam naman ng DPWH na para sa ordinaryong manggagawa, bawat minutong nasasayang sa trapiko ay katumbas ng pagod, stress, at bawas na kita.
Sa aking pananaw at mga kasama ko sa LCSP, ang problema ay hindi ang proyekto kundi ang pagsasabi ng hindi totoo. Kung umpisa pa lang ay naging tapat ang DPWH, mas mauunawaan sana ng publiko ang hirap. Ang Pilipino ay marunong magtiis—basta alam niya kung bakit at hanggang kailan.
Ang hindi katanggap-tanggap ay ang sabihin sa ating “walang epekto,” habang kitang-kita naman ang epekto sa araw-araw nating buhay.
Sa batas at sa simpleng prinsipyo ng tama at mali, may pananagutan ang gobyerno na magsabi ng totoo. Hindi ito teknikal na isyu na pang-abogado lang. Kapag nagsinungaling ang isang ahensya ng gobyerno, ang direktang talo ay ang karaniwang tao tulad ng jeepney driver na tiyak kukulangin ang pasada, mga empleyadong late sa opisina, at mga estudyanteng pagod bago pa makarating sa paaralan.
Hindi laban ang LCSP sa rehabilitasyon ng EDSA. Lahat naman gusto ng mas maayos na kalsada. Ang hinihingi lang ay katapatan, malinaw na plano, at bukas na komunikasyon. Sabihin kung mahirap, sabihin kung magulo, at ipaliwanag kung paano ito sosolusyunan.
Dahil sa huli, ang trapiko ay pansamantala. Pero ang nasirang tiwala ng mamamayan sa gobyerno, kapag hindi inayos, ay mas matagal at mas masakit kaysa sa anomang sira sa kalsada ng EDSA.






