TIYAK na mangingilabot at magagalit ka sa pagpapatuloy ng pagnanakaw sa kaban ng bayan sa ilalim ng 2026 pambansang badyet ng mga mambabatas sa kabila ng mga pagbubunyag dito.
Ang masama, nakasiper halos lahat ang bibig ng mga kongresman at senador dito.
Para kay Batangas 1st District Representative Leandro Leviste, higit sa P401.3 bilyon ang “allocables” o insentibo para sa lahat ng mambabatas na inasahang bumoto sa 2026 pambansang badyet.
Lumitaw ito sa rekord sa opisina mismo ng nasawing Department of Public Works and Highways Undersecretary Cathy Cabral.
Minimum na P150 milyon ang allocable/insentibo at may nakatanggap pa ng P250M bawat isang kongresman.
Ito ba ang dahilan kung bakit mabilis na natapos ang deliberasyon at pagdedesisyon ng Kamara sa HGAB (House General Appropriations Bill) na nagkahalaga ng P6.793 trilyon noong Oct 13, 2025?
Ayon kay Leviste, heto ang ilang pangyayari.
Hunyo 10, 2025: (bago pag-uusapan ang 2026 NEP), lahat ng chief of staff ng kongresman ay nakatanggap ng mensaheng nagpapaalaala na magsumite ang mga ito ng “hard and soft projects” na nagkakahalaga ng P150M Infra para sa District Representative, P160M Infra para sa Party List Rep at P30M soft para sa bawat District at Partylist Rep o kabuuang P180M-190M bawat isa.
September 17: Sinabi ng mga taga-DPWH na wala silang kalam-alam ukol dito sa Appropriations Committee hearing.
September 30: Sinabi rin ng mga taga-DPWH na walang galing sa mga kongresman na insertion kundi galing sa kanilang mga pandistrito at pang-rehiyong ahensya.
Isang linggo bago magbotohan sa HGAB: Nakatanggap si Leviste ng mensahe na personal na idineliber sa kanya ng abogadong staff ni House Appropriations Committee Chairman Mika Suansing na naglalaman ng “21M DOH MAIP, 25M DOLE TUPAD/GIP, 25M DSWD AICS, 30M DA FMR, 25M OTHERS, and 25M DPWH”.
Binuking naman ni Senator Ping Lacson ang P500M allocable kay Senate President Tito Sotto mula kay Cabral.
Mga magnanakaw, everybody happy.






