Home OPINION CHIZ BANTA KAY JONVIC?

CHIZ BANTA KAY JONVIC?

332
0

HINDI maiiwasang magtanong ang publiko matapos aminin ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, sa isang interview sa ANC, na pinag-iisipan niya ang pagtakbo sa 2028 presidential elections. Hindi malinaw kung ito’y simpleng feeler lang upang sukatin ang pulso ng botante o indikasyon na seryoso na ang kanyang ambisyon bilang isang presidential candidate.

Walang masama sa pangarap na tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa. Subalit sa laro ng pulitika, importante rin ang timing at ang mga kasabay na galaw. Kaya kapansin-pansin na sa parehong panayam ay isinama pa ni Jonvic ang pangalan ni Sen. Chiz Escudero bilang isa ring posibleng kandidato sa pagka-Pangulo.

Si Chiz, sa ngayon, ay hindi pa naman naglalatag ng anomang plano hinggil sa kanyang political future. Abala siya sa trabaho bilang mambabatas, may mataas na trust ratings, malinis na public service record, at may dagdag pang public appeal bilang mister ng global fashion icon na si Heart Evangelista. Sa madaling salita, isa siyang natural na pangalan sa usapang pambansa kahit wala siyang sinasabing ambisyon.

Dito pumapasok ang tanong: itinuturing na ba si Chiz bilang banta sa posibleng presidential run ni Jonvic? Kung ganoon nga, maaaring dito na natin mas maiintindihan kung bakit patuloy ang panggigipit ng Ombudsman na si Boying Remulla, kuya ng DILG Secretary, laban kay Escudero.

Sa kabila ng malinaw na pahayag ng Independent Commission for Infrastructure na hearsay lang ang mga paratang laban kay Chiz, patuloy pa ring hinahanapan ng butas ang senador. Hindi alintana ang kakulangan ng ebidensya at tila may determinasyong ipagpatuloy ang kaso.

Hindi ito bagong paandar sa pulitika. Ganitong-ganito rin ang nangyari noon kay Vice President Sara Duterte, nang pilitin ng kampo ni dating House Speaker Martin Romualdez ang impeachment na kalaunan ay ibinasura ng Supreme Court. Nagsalita ang Kataas-taasang Hukuman para kay Sara, tulad ng paninindigan ngayon ng ICI para kay Chiz.

Kaya lehitimong itanong kung bakit aktibo ang Ombudsman sa mga gawa-gawang kasong walang ebidensya, ngunit nananatiling tahimik sa mga kasong may mabibigat na patunay at may malinaw na rekomendasyon mula mismo sa ICI at sa Department of Public Works and Highways, gaya ng laban kay Romualdez. Kapag ang Office of the Ombudsman ay nagmumukhang nagtatanggol lang sa ilang makapangyarihan at agresibo laban sa mga posibleng katunggali, natural lamang na kwestyunin ang tunay nitong pagiging independent.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here