Home OPINION SUPER SALE NG PAG-IBIG FUND ACQUIRED ASSETS PINALAWIG SA DEC. 31,...

SUPER SALE NG PAG-IBIG FUND ACQUIRED ASSETS PINALAWIG SA DEC. 31, 2025

262
0

BAHAGYANG pinahaba ng Pag-IBIG Fund hanggang Disyembre 31, 2025, ang Acquired Assets Super Sale upang ma­bigyan ng mas karagdagang panahon ang mga Filipino na makabili ng mga foreclosed properties sa mas mababang halaga. Kasabay nito, ipinatupad din ng ahensya ang mga bagong patakaran na layong pababain ang paunang gastos at gawing mas madali ang pagsali ng mas maraming interesadong mamimili.

Ayon sa Pag-IBIG Fund, na­na­natiling mataas ang interes ng publiko sa programa mula nang magsimula ito noong Agosto 2025. Umabot na sa 44,861 bids ang natanggap ng ahensya, kung saan 18,434 ang matagumpay na nanalo sa bidding. Dagdag pa rito, may kabuuang 5,074 na ari-arian ang ilalathala para sa auction hanggang matapos ang taon.

Sinabi ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling, na siya ring chairperson ng Board of Trus­tees ng Pag-IBIG Fund, na ang pagpapalawig ng Super Sale at ang mga binagong patakaran ay tugon sa patuloy na pangangai­langan ng mga mamimili. Aniya, kaakibat ito ng direktiba ni Pre­sident Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na palawakin ang akses ng mamamayan sa abot-kaya at handa nang tirahang mga bahay.

Dagdag pa ni Secretary Ali­ling, sinusuportahan din ng pina­lakas na Super Sale ang Expan­ded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (Expanded 4PH) Prog­ram, sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga pamilya ng mas mabilis at mas murang paraan upang magkaroon ng disenteng tahanan na isinusulong ng DHSUD.

Alinsunod sa mga bagong alituntunin, ibinaba ng Pag-IBIG Fund ang down payment para sa cash at short-term installment purchases sa 3 porsyento ng net selling price, mula sa dating 5 porsyento.

Pinayagan na rin ang mga bidder na magsumite ng alok para sa hanggang tatlong ari-­arian sa bawat batch ng mga inilalathalang listing.

Ayon naman kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, ang mga repormang ito ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng ahensya upang gawing mas abot-kaya ang pagkakaroon ng sariling bahay, lalo na para sa mga matagal nang nakatira sa mga foreclosed properties na nais gawing legal ang kanilang paninirahan.

Binigyang-diin din ni CEO Acos­ta na para sa mga hindi pa handang bumili, maaaring mag-avail ng lease arrangement na aabot sa tatlong taon. Para mabawasan ang paunang gastos, ibinaba rin ang lease requirement sa isang buwang advance rent, mula sa dating dalawang buwan.

Hinikayat ng Pag-IBIG Fund ang publiko na gamitin ang fully digital public auction system ng ahensya, kung saan maaaring tingnan ang mga listing, magsumite ng bid, at kumpletuhin ang transaksyon online gamit lamang ang cellphone o computer, isang hakbang na layong gawing mas mabilis at maginhawa ang proseso, pero siguradong ligtas.

Maaaring makita ng mga in­teresadong mamimili ang kum­pletong listahan ng mga ari-arian, mga kwalipikasyon, at mekanismo ng auction sa www.pagibigfundservices.com/OnlinePublicAuction.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here