SA modernong panahon sa kasalukuyan, patuloy na tumitindi ang hamon sa kalusugan ng isipan. Malaki ang epekto ng pressure sa trabaho, problema sa pamilya at lipunan, at walang patid na daloy ng negatibong impormasyon mula sa daily news lalo na sa mga news feed sa social media. Sa bawat exposure natin sa ilang nabanggit na stressors, nababago nito ang ‘mood’ ng isang tao na nagdudulot ng anxiety.
Kung tutuusin, normal lamang at nakabubuti ang anxiety dahil sa pamamagitan nito ay nakagagawa tayo ng agarang solusyon sa kinakaharap na stress. Ang masama lamang dito ay kung sobra-sobra, mabigat at hindi na kayang kontrolin o i-manage na ang karaniwang resulta ay maling desisyon at trahedya.
Makikita ang kahalagahan nito sa ilang napabalitang kaso kamakailan. Maaaring sobrang anxiety ang dahilan sa sitwasyon ng yumaong si former DPWH Usec. Ma. Catalina Cabral ng DPWH gayundin sa pagkakatunton sa ‘missing bride’ na si Sherrah de Juan.
Sa mga pangyayaring ito, hindi dapat maisasantabi ang diskusyon na maaaring related ang matinding pressure, isyu sa trabaho, at personal na suliranin na nagdudulot ng labis na stress at emosyonal na bigat na humantong sa pagkasawi ni Cabral at pagkawala ni de Juan. Bagama’t magkakaiba ang detalye at konteksto ng bawat kaso, malinaw na ang mental strain ay maaaring makaapekto sa pag-iisip at kilos ng isang tao kung hindi agad ito natutugunan.
Ang ganitong mga pangyayari ay paalala na kahit sa mga inaakalang masayang yugto ng buhay, maaaring makaranas ng matinding takot, pagkalito, at pangamba ang isang indibidwal.
Upang makaiwas sa panganib ng anxiety, mahalagang kilalanin ang mga senyales nito tulad ng labis na pag-aalala, hirap sa pagtulog, pagiging iritable, at paglayo sa ibang tao. Ang maagang obserbasyon ng pamilya at malalapit na kaibigan ay susi sa pag-iwas sa mas malalang epekto. Malaki rin ang naitutulong ng pagpapayo para sa regular na pahinga, tamang balanse ng trabaho at personal na buhay, at pagkakaroon ng mapagkakatiwalaang kausap.
Higit sa lahat, hindi dapat ikahiya ang paghingi ng propesyonal na tulong. Ang mental health ay bahagi ng kabuuang kalusugan at hindi dapat isawalang-bahala kung nararanasan na ang sobrang anxiety.
Sa pagharap natin sa taong 2026, ihanda ang ating mga sarili sa magiging hamon ng panibagong buhay. Gawin nating armas ang pagkakaroon ng malinaw na pag-iisip at malasakit sa kapwa at sarili tungo sa mas ligtas at mas malusog na kinabukasan.






