AT heto na nga ang 2026… hindi lubos yung pangkaraniwang mensahe ng pag-asa ng bagong taon, kundi isang “pause” na may mga mabibigat na katanungan: ano ba ang nagawa natin, at ano ang ginawa sa atin? Para sa maraming Pilipino, ang pagpalit ng kalendaryo ay mas ramdam bilang ‘reckoning’ kaysa ‘renewal’ — may mga pasa dahil sa pulitika, nag-iingat sa gastusin at kabuhayan, at pagod na sa mga usaping panlipunan matapos ang isang taong sumubok sa pasensya at tiwala.
Makikita ang ganitong mood nang malinaw sa pinakahuling year-end survey ng PAHAYAG, ang public opinion initiative ng PUBLiCUS Asia, Inc., kasama ang Vox Opinion Research bilang commissioned arm nito — isang grupong sumusubaybay sa pulso ng sambayanang Pilipino mula pa noong 2017 at alam kung kailan ang ‘discontent’ ay hindi lang ingay, kundi isang ‘pattern’.
Halos anim sa bawat sampung Pilipino, o 58%, ang nagsasabing pesimista sila sa direksyong tinatahak ng bansa habang papalapit ang 2026. Bagama’t mas mababa ito kumpara sa madilim na 70% noong nakaraang quarter, mas masahol pa rin ito kaysa sa 49% na naitala isang taon ang nakalipas. Umangat man ang optimism sa 42%, na pangunahing dulot ng mas magandang inaasahan sa ‘household finances’ at sa ekonomiya, nananatili pa rin itong mas mababa kaysa noong nakaraang taon. Malinaw na ang mga numerong ito ay salamin ng isang bansang malayo pa sa pagiging panatag.
Kung tutuusin, hindi naman kinapos ang 2025 ng dahilan para mangamba. Isang trillion-peso flood control scandal ang sumabog sa mata ng publiko, nagdulot ng mga pagbibitiw, flight risks, at mas lalong nagpatibay ng pakiramdam na piling-pili pa rin ang pananagutan. Binabaan ng IMF ang growth outlook ng bansa, habang bumagal ang economic expansion sa pinakamahinang antas nito sa loob ng apat na taon. Sinundan pa ito ng sunod-sunod na political shocks: impeachment proceedings laban sa Bise Presidente, mga reklamong plunder at graft, at ang pag-aresto sa isang dating pangulo sa bisa ng International Criminal Court warrant — mga pangyayaring yayanig kahit ang pinakamatatag na demokrasya.
Hindi rin nagpahuli ang kalikasan. Muling tinanghal ang Pilipinas bilang pinaka-disaster-prone na bansa sa mundo, hinagupit ng super typhoons, nakamamatay na lindol, at walang tigil na pagbaha na nagpalikas sa daan-daang libong mamamayan. Ngayon pa lang ay nagbababala na ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration ng mas basa kesa sa pangkaraniwan na 2026 dahil sa La Niña — balitang hindi talaga nakaaaliw para sa mga komunidad na nagsisimula pa lang muling bumangon.
At gayunpaman, ang pesimismo ay hindi pagsuko. Mas malala na ang pinagdaanan ng mga Pilipino — at napagdaanan natin iyon nang magkakasama. May tibay ng loob sa mga kabataang patuloy na naniniwala, sa mga manggagawa rito at sa abroad na ang remittances ang patuloy na sumusuporta sa ekonomiya, at sa public servants at pribadong mamamayan na tahimik na gumagawa ng tama. Maaaring sinusukat ng survey ang pag-aalinlangan — pero nagpapahiwatig din ito ng determinasyon. Kahit matapos ang isang taong punô ng dagok, hindi pa nawawala sa bansa ang kakayahang bumangon.
Hayaan ninyong magbanggit ako ng isang kongkretong halimbawa na malapit sa puso ko: ang masigasig na gawaing isinagawa ng aking mga kapwa miyembro ng Manila Sampaguita Lions Club, sa pamumuno ni Club President Christian Munoz, upang maghatid ng saya at pagkain sa 200 street dwellers sa Malate, Manila.
Sa ikalimang Pasko mula noong 2021, muling naisakatuparan ang feeding at gift-giving project ng aming club para sa mga street dwellers dahil sa tuloy-tuloy at bukas-palad na donasyon ng San Miguel Corporation.
Ang outreach activity, na orihinal na nakatakda noong Disyembre 10, ay nakaranas ng isang aberyang logistical na madaling naging dahilan para isantabi na lang ang proyekto. Tapos na ang Pasko, pero hindi pinaghari ng pesimismo ang aming mga puso. Dumating pa rin ang mga donasyon, at dumalo pa rin ang mga miyembro.
Sa isang late-night convoy noong Disyembre 29, ang mga ready-to-eat meals at bottled water ay naihatid sa mga pamilyang natutulog sa mga bangketa. Natuloy ang proyekto — hindi bilang pampalubag-loob matapos ang holidays — kundi bilang sinadyang kilos upang salubungin ng mga homeless ang 2026 na may isang bagay na ipinagkait sa marami sa kanila buong taon: kasiguruhan. Pagkaing tatagal ng ilang araw, hindi lang panangga sa gutom, kundi matibay na paalala na hindi sila nakalimutan.
Marahil ganito talaga nilalabanan ang pesimismo… sa pamamagitan ng mga tahimik na gawaing kayang mag-reset ng pananaw ng isang tao. Para sa mga street dwellers sa Malate, kahit sa sandaling iyon, maaaring may nagawang pambihira ang Manila Sampaguita Lions at San Miguel Corporation: maaaring may nabura silang ilang pangalan sa listahan ng mga Pilipinong papasok sa 2026 na may pangamba, at napalitan iyon — kahit panandalian — ng pag-asa.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






