Bulacan – Arestado ng mga awtoridad ang dalawang City-Level Most Wanted Person (MWP) sa bisa ng Warrant of Arrest (WOA) sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM) nitong Setyembre 15.
Sa ulat ni PLTCOL Nelson Sardin, hepe ng SJDM police station, naaresto ang 42 anyos na babaeng akusado bandang 12:35 ng tanghali sa Brgy. Gaya-Gaya.
Ayon sa ulat, pinangunahan ang pag-aresto ng Warrant and Intelligence Section ng istasyon, Provincial Intelligence Team, Regional Intelligence Unit 3 at RMFB 3.
Nabatid na ang WOA sa kasong Statutory Rape by Carnal Knowledge ay inilabas noong Disyembre 19, 2025 ng Regional Trial Court Branch 5, Family Court City of SJDM na walang inirekomendang piyansa.
Samantala, bandang 8:45 ng umaga sa Brgy. Bagong Buhay 2, naaresto rin ng mga awtoridad ang isang alyas “Boy” 28, sa bisa ng WOA para sa tatlong bilang ng kasong Rape na inilabas noong Setyembre 14, 2026 ng Regional Trial Court Branch 120 ng City of SJDM na wala ring piyansa.
Sinasabing ang dalawang naaresto ay kasalukuyang nasa kustodiya ng istasyon para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Dick Mirasol III