MANILA, Philippines – IKINATUWA ng Malakanyang na agad na natanggap sa trabaho ang mahigit 2,400 mga job seekers sa isinagawang nationwide job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na isinagawa ang job fair noong Setyembre 14 sa 86 na lugar sa buong bansa bilang bahagi ng “Handog ng Pangulo 2026.”
“Libo-libong job seekers ang dumalo sa job fairs kung saan 1,352 employers ang nag-alok ng mahigit 157,000 local and overseas job opportunities,” ayon kay Castro.
Ayon sa DOLE, kabuuang 2,467 job seekers ang natanggap agad sa trabaho.
Sinabi ni Castro na naaayon ang inisyatiba sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ilapit sa mga Pilipino ang mga serbisyo ng pamahalaan at magbigay ng mas maraming oportunidad para sa marangal at matatag na trabaho na makatutulong sa pagpapabuti ng kanilang buhay.
Bukod sa mga oportunidad sa trabaho, nagbigay rin ang job fairs ng access sa iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan.
“Umabot sa 13,342 job seeker ang naserbisyuhan ng on-site government services mula sa NBI, SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG sa job fairs,” dagdag pa ni Castro.
“Marangal na trabaho at epektibong serbisyo—iyan ang nais ng Pangulo para sa bawat Pilipino,” dagdag ni Castro. KRIS JOSE