Home OPINION MGA OFW PROTEKTAHAN

MGA OFW PROTEKTAHAN

1
0

GAANO kaya karaming Pinoy ang apektado o direktang napipinsala sa nagaganap na giyera sa Middle East?

Sa lumalabas na mga balita, higit na nasa panganib ang mga Pinoy seaman kaysa sa iba.

Sa katunayan, may kamamatay lang na dalawa makaraang patamaan ng missile o drone ang kanilang barko sa Strait of Hormuz habang papalabas ito mula sa Persian Gulf.

Sakay sila ng oil tanker na MT Sidr (Saudi-flagged crude oil tanker) at 14 iba pang Pinoy seamen ang nadamay o nasugatan.

Nasa 60 nang barko, oil tanker at iba pa, ang binobomba mini-missile, dino-drone at iba pa mismo ng US at Iran.

Kalahati rito ang biktima sa nakalipas lang na dalawang linggo.

PAANO ANG IBA?

Panay-panay ang pambobomba ng missile at drone ngayon ng Iran hindi lang sa mga barkong nauugnay sa United States kundi sa mga base militar nito.

Matatagpuan ang mga US military base sa Kuwait, Jordan, Israel, Qatar, United Arab Emirates, Bahrain at Saudi Arabia.

Sinasabayan pa ng Houthi sa Yemen ang pambobomba rin sa Saudi Arabia.

Hindi lang ito.

Maging ang mga pipeline, balon at refinery ng langis ng nasabing mga bansa ay binobomba rin.

At idinadamay na rin maging ang mga sibilyang gusali na roon pinaniniwalaang may mga Amerikano gaya ng mga may hawak na internet.

Kung iisipin, maraming Pinoy ang naninilbihan sa mga base militar, pasilidad sa langis, hotel, tourist spot, airport, pier at iba pang lugar na tinatamaan ng mga bomba, missile at drone.

Ang magandang balita lang, mga Bro, walang naiuulat na namamatay o nasusugatan.

Ngunit tiyak na katakot-takot na takot ang nararamdaman ng marami baka sila madamay.

At sa kwento ng mga umuuwi na umaabot na sa halos 11,000, hindi man sila nadadamay sa mga namamatay o nasusugatan, naging perwisyo sa kanilang paghahanapbuhay ang mabangis na giyera.

Batay sa rami ng mga umuwi o iniuwi ng gobyerno, tiyak na mas marami, doble o triple o higit pa ang laging nanganganib o labis na nahihirapan sa rehiyon.

PROTEKSYON NG MGA NANANATILING NAKIKIPAGSAPALARAN

Batay sa mga ulat, mahigit 2 milyon ang mga OFW na nasa Middle East at karamihan sa mga ito ang nasa nabanggit nang mga bansa na tinatamaan ng giyera.

At ang masakit, nanatili silang nakikipagsapalaran dahil wala naman silang madadatnang makatao at may kinabukasan at ginhawa sa mahal kong Pinas.

Ano-ano ang mga proteksyon sa buhay, ari-arian at empleyo ang iginagawad sa kanila ng ating pamahalaan?

Sakaling hindi huhupa ang giyera, may nakahanda bang pagkilos at pondo ng pamahalaan para sa maramihan at madaling pagbabakwit?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here