HINDI dapat magsaya o magpiyesta ang sinomang kritiko ni ex-Speaker Martin Romualdez sa kautusan ng Sandiganbayan 3rd Division na ilipat siya sa Quezon City Jail sa Payatas.
Ito’y dahil walang nakaaalam kung ano ang mangyari sa kanyang kaso sa darating na mga araw o buwan.
Kung mapalalaya siya o tuluyan siyang makukulong dahil sa mga kasong plunder, direct at indirect bribery, graft at money laundering na nagkakahalaga ng nasa P56-P57 bilyon at higit sa P7B dito ang nauugnay sa flood control scam.
Sa ligal na antas, iba ang pagiging guilty sa hatol sa nasabing mga kaso sa panimula ng kaso na “probable cause” na paniniwalang tiyak siyang madeklarang guilty sa mga akusasyon.
Dito sa probable cause siya inisyuhan ng warrant of arrest at pupwede pa siyang makalaya sa mga piyansa kung sa darating na mga araw, eh, mapatunayang hindi malalakas ang mga ebidensya laban sa kanya.
Isa pa, wala pa itong aksyon o pahayag para maisakatuparan ang kanyang nakaraang banta na isasama niya sa kanyang pagbagsak ang mga gumagawa sa kanya bilang tagasalo ng korapsyon ng iba,
Wala pa siyang itinuturo na “tunay” na korap gaya ng mga nasa ehekutibo na aniya’y may hawak sa pondo ng maaanomalyang kontrata at tagapagpatupad ng mga nasabing kontrata.
Wala pa rin siyang itinuturo na kasamahan niya sa Kongreso na may gawa ng mga iskam.
Ito’y sa kabila ng katotohanang arestado na siya at inuutusan na siyang malipat sa kulungan.
Ang isa pang nakatatakot ay kung magiging ex-DPWH Secretary Manuel Bonoan style siya na magiging state witness kung magsasalita siya.
Si Bonoan ay bigla na lang inalis bilang akusado sa plunder sa kabila ng bilyon-bilyong pisong akusasyong umano’y kinikbak niya sa mga kontrata sa kanyang ahensya, batay sa mga pahayag ng saksing si DPWH Undersecretary Roberto Bernardo?
Paano kung mangyari ito at magtuturo siya ng iba na korap ngunit mga kakosa lamang niya sa Kamara at Senado at hindi ang sinomang nakatataas sa kanya?






