MANILA, Philippines – Hahawakan ni Metropolitan Manila Development Authority General Manager Nicolas Torre III ang nasa 70% hanggang 80% ng operasyon ng ahensya, ayon kay MMDA chairman Romando Artes nitong Lunes, Enero 5.
“Basically nag-usap na kami kasama ‘yung top management ng MMDA at lahat ng operation matters na may kinalaman sa ahensya, which is I think 70% to 80% ng trabaho ng MMDA will be under him directly,” sinabi ni Artes sa isang briefing.
Aniya, magbibigay-daan ito para matutukan ang administrative at planning aspect ng MMDA.
Noong nakaraang linggo ay nanumpa si Torre bilang general manager ng MMDA kapalit ni Procopio Lipana.
Samantala, sinabi rin ni Artes na si Torre ang magsisilbing tagapagsalita ng MMDA.
“Si GM Torre na ang magiging designated spokesperson ng MMDA. So lahat ng request for interviews, sa kanya niyo na po i-course.”
Dating nagsilbing hepe ng Philippine National Police si Torre ngunit inalis ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, sinabi pa ni Artes na bibigyang-prayoridad ni Torre ang disiplina ng mga traffic enforcer at susuriin ang traffic management sa mga lugar tulad ng Marcos Highway at Commonwealth.
“Ang tingin ko naman sa buong makinarya ng gobyerno ay malaking team. Kumbaga sa basketball hindi naman araw-araw sasabihin ng coach ay forward ka, or ito ang role mo. May option ang ating coach, ang ating Presidente, kung saan niya ilalagay ang kanyang mga tao,” ayon naman kay Torre.
“Ako naman, kung ano ang sinabi ng coach, sunod tayo… ako ay naniniwala walang malaki o maliit na roles eh. Pare-pareho ‘yan na lahat ay serbisyong publiko,” dagdag pa nito. RNT/JGC