TALAGANG tinitipid ng pamahalaan ang Zero Balance Billing sa ilalim ng Department of Health.
Akalain ba nating P1 bilyon lamang ang inilaan nito para sa nasabing programa kaya mapipilitan ngayong 2026 si DOH Secretary Ted Herbosa na batakin nang husto ang badyet at mga DOH operated hospital at iilang malalaking lokal na ospital lang ito paiiralin.
Mabuti na lang at may Zero Balance Billing din sa Malasakit Centers na walang gaanong tsetseburetse sa pamimigay nito.
Salamat kay Senator Bong Go sa Malasakit Center at lahat ng mambabatas na sumuporta para maisabatas ito na agad pinirmahan noong 2019 ni dating Pangulong Digong Duterte.
Suportado ang Malasakit Center ng DOH, Philippine Charity Sweepstakes Office, PhilHealth at Department of Social Welfare and Development.
Kung titingnan naman ang iba pang pangkalusugang programa ng DSWD at ng Presidential Action Center, nakatutulong din.
Tanong: Sapat ba ang lahat ng mga programang ito sa milyon-milyong mahihirap na naoospital at walang pambayad?
Ang masakit pa, mga brad, alam ba ninyong may mga sakit na hindi inaaplay ang zero billing ng DOH?
Magtanong kayo sa mga naoospital na sumubok sa DOH Zero Billing at magugulat kayo.
May mga seryoso at napakamahal gamutin na sakit ang hindi sakop ng programa.
At alam ba ninyo na napakaraming doktor at ospital ang pinanindigan ng balahibo makaraang ireklamo ni Dr. Jorge Ignacio, dating pinuno ng Philippine General Hospital Cancer Institute.
Sabi niya, itinigil ng pamahalaang Marcos ang dating programa ni Duterte na P100 milyong buwang suporta sa gamot sa kanser.
Kung saan-saan na lang sumulpot ang pahayag ng mga doktor at ospital na wala talagang gamot o sapat na gamot sa maraming sakit.
Kaya sa mga pribadong parmasya at labas ng mga ospital na lang bumibili ng mga mahal na gamot ang mga pasyente, bago magkaroon ng zero billing o may bawas na bayarin mula sa PhilHealth.






