MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez na ipatupad ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maiwasan ang matinding pagsisiksikan sa mga platform ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Ito ay kasunod ng paghingi ng paumanhin ng MRT-3 sa mga pasahero nito dahil sa matinding pagsisiksikan sa isa sa mga platform noong Lunes, na kumalat sa social media.
Sa isang pahayag noong Miyerkules, sinabi ng MRT-3 na ang insidente ay nangyari bandang 7:25 ng umaga matapos pahintulutan ang mga pasahero na makapasok sa platform ng tren sa kabila ng umiiral na pagsisiksikan, na naging sanhi ng labis na pagdagsa ng tao nang dumating ang mga pasahero.
“Ganap naming nauunawaan ang discomfort at mga alalahanin sa kaligtasan na dulot nito at kami ay may responsibilidad sa sitwasyon,” sabi ng pamunuan ng MRT-3.
Sinabi rin na pinalakas pa ng mga tauhan ang pagmomonitor at koordinasyon upang mapabuti ang pamamahala ng crowd at matiyak ang mas ligtas at maayos na pag-commute, lalo na sa mga peak hours.
Bukod dito, ang MRT-3 ay magpapalakas ng seguridad nang hindi naaapektuhan ang maayos na daloy ng mga pasahero sa pamamagitan ng paglalagay ng walkthrough metal detectors sa mga pasukan ng North Avenue, Quezon Avenue, at GMA-Kamuning stations.
Layunin nito na masiguro ang kaligtasan ng bawat komyuter sa pamamagitan ng mas maagang pagtukoy sa anumang banta o ipinagbabawal na gamit bago makapasok sa platform.
Ang mga walkthrough metal detectors na ito — kalaunan ay ilalagay sa lahat ng mga istasyon ng MRT-3. —Jocelyn Tabangcura-Domenden