ISABELA, Philippines – Hindi na umabot ng buhay ang isang lolo matapos maitakbo sa hospital nang pagtatagain ng nakainuman nito sa Barangay Antagan Uno, Tumauini, Isabela.
Kinilala ang biktima na isang 67 anyos na lolo habang isang Senior Citizen na lolo rin ang nakainuman nitong tinuturing na suspek na mga residente ng nabanggit na Barangay.
Nag-ugat ang krimen sa pagiinuman ng biktima at suspek na umanoy hindi nakasundo sa isang usapin.
Buhat dito nagsuntukan ang dalawang sangkot sa insidente na sinubukan pang awatin ng mga tao sa lugar at inakalang humupa na ang gulo nang lisanin ng dalawang ang kanilang pinag-iinuman.
Ilang saglit pa ay namataang bumalik ang dalawa sa lugar dala ang kani-kanilang itak at duon na naghatawan.
Unang tinamaan ang biktima sa kaliwang kamay at nakatanggap pa ng isang unday ng itak sa leeg at ulo na dahilan ng tuluyan nitong paghandusay sa lupa.
Agad namang prinoseso ng mga kapulisan ang lugar sa pangunguna ng Tumauini MPS at SOCO.
Tuluyan nang sinampahan ng kasong Homicide ang pinaghihinalaan na nasa kostodiya ng pulisya. (REY VELASCO)