MANILA, Philippines — Nilinaw ng kampo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineering Office district engineer Henry Alcantara na hindi niya babawiin ang kanyang mga naunang pahayag, ayon sa kanyang abogado nitong Martes.
Sinabi ni Atty. Emil Karlo Joven na ang mga kumakalat online na ulat na binawi ni Alcantara ang kanyang testimonya sa Senate Blue Ribbon Committee hearings noong nakaraang taon ay “categorically false and misleading.”
“In short, Engr. Alcantara is not recanting his prior statements,” ayon kay Joven.
Ayon pa sa abogado, lumagda si Alcantara sa isang Memorandum of Agreement sa Department of Justice (DOJ) bilang bahagi ng kanyang regular admission sa Witness Protection, Security and Benefit Program at nananatili siyang nakatuon sa pakikipagtulungan sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y anomalous flood control projects.
“Engr. Alcantara remains pledged to fulfilling his obligations under the Memorandum of Agreement to assist authorities in the pursuit of truth and accountability,” dagdag ni Joven, sabay sabing nasa DOJ ang pagsusuri sa mga pahayag ng kanyang kliyente.
Mas maaga nitong Martes, muling nagtungo si Alcantara sa DOJ para sa mga kaugnay na proseso ng Witness Protection Program. Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, saklaw ng confidentiality ang naturang pagdalo.
Nauna nang nilinaw ng DOJ na wala itong natatanggap na affidavit mula kay Alcantara na bumabawi sa kanyang mga naunang pahayag. RNT