MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Miyerkules, Enero 14, na handa silang suportahan ang paghahanda ng bagong AFP Modernization Law, habang ang kasalukuyang batas ay magtatapos sa 2027, kasabay ng lumalalang regional security concerns at pagtutok sa pambansang soberanya.
Ayon kay AFP Deputy Chief of Staff Lt. Gen. Roldan, nagbibigay na ang militar ng technical advice sa Department of National Defense (DND) at ibang sangay ng gobyerno upang matiyak ang tuloy-tuloy na modernization ng AFP sa pamamagitan ng bagong batas.
“On the part of the Armed Forces of the Philippines, we are ready. We provide technical advice to the Department of National Defense and other executive and legislative agencies because this requires a law,” ani Roldan.
Binanggit na ang kasalukuyang 15-year Revised AFP Modernization Program, na pinagtibay noong 2012 at nahahati sa tatlong phases o “horizons,” ay may third horizon mula 2023 hanggang 2028, na in-overhaul ni Pangulong Marcos Jr. noong Enero 2024 bilang 10-year defense spending o “Re-horizon 3” na nagkakahalaga ng P2 trillion.
Ayon sa AFP, may mga proposals na handa para sa susunod na phase ng modernization upang mapabuti ang kakayahan ng militar.
Sinabi ni Roldan na P40 bilyon ang nakalaan para sa AFP Modernization Program sa 2026, dagdag pa ang P50 bilyon na unprogrammed funds para sa modernization, na nagpapakita ng suporta ng lehislatura sa defense upgrades.
Gayunpaman, wala pang inilabas na public roadmap o timeline para sa bagong modernization law.
Kasalukuyang nire-review ng AFP ang kasalukuyang programa bago finalisin ang mga bagong proposals.
“From there, we will revise the programs and determine what capabilities or new capabilities the Armed Forces need to develop to continue providing proper security to our people,” pagtatapos ni Roldan. RNT/MND