Home OPINION ROAD SAFETY OR ROAD TO ACCIDENT?

ROAD SAFETY OR ROAD TO ACCIDENT?

323
0

PANAHON na siguro upang magkaroon ng malawakang pansin ang ating pamahalaan sa lumalaking problema sa road crash incidents. Sa kabila ng mga umiiral na batas at programa sa road safety, patuloy pa ring mataas ang bilang ng aksidente sa kalsada at hindi pa rin matukoy magpahanggang ngayon ang pangmatagalang solusyon.

Ayon sa Department of Health, tinatayang nasa 1,113 road crash incidents ang naitala mula December 21, 2025-January 2, 2026 at karamihang sangkot sa aberya ay mga motorcyclist at pedestrian. Marami sa mga biktima ay nasa impluwensya ng alak at hindi gumagamit ng safety gear tulad ng helmet at seatbelt habang nagmamaneho.

Iniulat naman ng Philippine National Police-Highway Patrol Group na humigit-kumulang 19,550 road crash incidents ang naitala sa buong bansa mula January-August 2025.

Sa talaan naman ng Metro Manila Development Authority, EDSA ang may pinakamaraming road accidents noong 2024. Base sa report, ang road crashes ay isa sa pangunahing sanhi ng kamatay sa mga kabataang 15–29 sa Metro Manila.

Sa Central Visayas, mahigit 11,000 road crash incidents ang naitala mula Enero hanggang Oktubre 2025 kung saan humigit-kumulang 240 ang nasawi at karamihan ay reckless driving, over speeding at distracted driving ang mga naging sanhi.

Maraming regulasyon ang nilikha upang tiyakin ang kaligtasan sa kalsada, subalit hindi pantay ang pagpapatupad ng mga ito. May mga lugar na maayos ang sistema ng enforcement, habang sa iba ay kulang sa malinaw na direksyon, road markings at sapat na traffic enforcers para sa tuloy-tuloy na pagbabantay. Hindi maling sabihin na ang ganitong sitwasyon ay nagdudulot ng kalituhan dagdag pa sa pasakit ang maling interpretasyon ng mga patakaran na nauuwi sa pagtatalo sa pagitan ng awtoridad at motorista.

Mahalagang bigyang-pansin ang karagdagang kasanayan ng traffic enforcers. Ang kanilang papel ay hindi lamang magpatupad ng batas kundi magsilbing tagapangalaga ng kaligtasan sa kalsada. Kinakailangan ang sapat na training sa traffic management, risk assessment, communication skills at conflict and crisis handling. Kailangang service-oriented, may respeto, malinaw ang paliwanag, at may malasakit sa mga gumagamit ng kalsada.

Idagdag pa natin ang panawagang maisabatas ang panukalang National Transportation Safety Board na magsisilbing tagapagtuwid ng sistema.

Kung hindi sabay-sabay na palalakasin ang ating mga suhestyon, mananatiling marupok ang kaligtasan sa ating mga lansangan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here