Home NATIONWIDE Kiko may babala sa nagbubulsa ng pondo sa farm-to-market road projects: Tutugisin...

Kiko may babala sa nagbubulsa ng pondo sa farm-to-market road projects: Tutugisin namin kayo

207
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa mga susubok na magnakaw o gamitin nang hindi tama ang mga pondo sa farm-to-market roads na pananagutin at ipatatawag sa mga pagdinig sa Senado.

Nag-isyu si Pangilinan ng babala kasabay ng paggiit na inihahanda na ang mga ebidensya para sa paghahain ng mga kaso sa mga idinadawit sa FMR projects na iniimbestigahan sa posibleng korapsyon.

“We have put in place several safeguards para talagang matiyak [na walang magiging korapsyon]… ‘Wag na nila subukan dahil makakatikim sila. Papatawag natin sila sa Senado. Pagpapaliwanagin natin sila. Isu-subpoena natin sila kung kinakailangan kapag nakita natin na may mga kalokohan,” ani Pangilinan, chair ng Senate committee on agriculture, food, and agrarian reform.

Sa ilalim ng 2026 budget, P33 bilyon ang inilaan para sa farm-to-market roads.

Sakop ng budget allocation ang nasa 1,600 bagong FMRs na ipatutupad ngayong taon.

Kasabay ng galit ng publiko sa mga korapsyon sa infrastructure projects, sinabi ng Department of Agriculture (DA) noong Oktubre na iti-take over nito ang development at konstruksyon ng FMRs mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) simula 2026.

Sa kaparehong buwan, sinabi ng Malakanyang na P105 milyong halaga ng umano’y “ghost” o non-existent farm-to-market road projects ang iimbestigahan ng DA at DPWH at natanggap na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang report ng DA kaugnay nito.

Samantala, sinabi ni Pangilinan na kabilang sa kasalukuyang safeguards laban sa maling paggamit ng pondo ay ang online dashboard, geotagging, at citizens’ participatory audit.

Obligado ang DA na beripikahin ang ilang detalye ng proyekto kabilang ang actual costs, design, programs, budgets, at iba pa para masiguro ang tamang implementasyon ng FMR program.

Nanawagan din ang senador sa pribadong sektor, lokal na pamahalaan at ibap ang stakeholders na magbigay ng impormasyon kaugnay sa maling implementasyon ng FMR projects.

“Babantayan natin ‘yan. Kaya ang panawagan natin sa mga mag-iimplimenta nito ay ‘wag niyo nang itangkang gamitin itong mga pondong ito para sa kurakot dahil hahabulin namin kayo,” dagdag niya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here