Home OPINION PAGBABAWAS SA KAPANGYARIHANG MAG-ISYU NG LOA, PINAG-AARALAN NG BIR

PAGBABAWAS SA KAPANGYARIHANG MAG-ISYU NG LOA, PINAG-AARALAN NG BIR

188
0

HINDI naabot ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang itinakdang target na koleksyon ng buwis para sa taong 2025 matapos magpatupad ng malawakang reporma sa loob ng ahensya, ayon sa paunang datos na inilabas kamakailan.

Batay sa ulat, umabot lamang sa Php3.105 trillion ang nakolekta ng BIR noong naka­raang taon o mahigit Php100 billion na mas mababa sa Php3.232 trillion target na itinakda ng Development Budget Coordination Committee (DBCC). Gayunman, mas mataas pa rin ito kumpara sa Php2.83 trillion koleksyon noong 2024, na nagpapakita ng patuloy na pag-angat ng kita ng pamahalaan.

Para sa taong 2026, mas mataas na target ang naka­atang sa ahensya, na umaabot sa Php3.579 trillion, alinsunod sa layunin ng pamahalaan na pa­lakasin ang pondo para sa imprastraktura, serbisyong panlipunan, at pagbabayad-utang.

Ayon sa BIR, maituturing pa ring positibo ang naging per­formance ng ahensiya kung isasaalang-alang na sinadya nitong ipatigil ang ilang audit operations bilang bahagi ng malalim na repormang institusyonal. Si­nabi nitong nagsimula ang taon sa double-digit na paglago ng koleksyon, subalit humina ang momentum pagsapit ng ikalawang quarter.

Noong Oktubre 2025, halos 1 porsyento na lamang ang itinaas ng kita, indikasyon ng epekto ng pansamantalang paghinto ng field audits.
Gayunman, nakabawi ang ahensya sa huling bahagi ng taon matapos makapagtala ng Php199.55 bilyon na koleksyon nitong Disyembre 2025, na tu­mu­long upang umabot sa Php782.68 bilyon ang kita sa ikaapat na quarter.

Ayon kay BIR commissioner Charlito Martin Mendoza, ipinapakita ng sitwasyon na ang pre­dictability, pagiging patas, at tiwala sa institusyon ang pangunahing nagtutulak sa kasaluku­yang pagsunod sa pagbabayad ng buwis.

Matatandaang ipinag-utos ng pamahalaan ang pansamantalang paghinto ng ilang field audits ng BIR habang sinusuri ang mga internal na proseso ng ahensya at tinutugunan ang mga reklamo ng sektor ng negosyo.

Matagal nang isyu ang umano’y magkakapatong na imbestigasyon at maling paggamit ng audit powers, na nagdudulot ng dagdag na pasanin sa mga nagbabayad ng buwis.

Nauna nang sinabi ni Department of Finance secretary Frederick Go na pinag-aaralan ang mga repormang magba­bawas sa bilang ng mga yunit ng BIR na may kapangyarihang mag-isyu ng Letter of Authority (LOA). Isa sa mga panukala ang pagsasama-sama ng VAT at income tax audits upang hindi na kailangang humarap ang mga kompanya sa magkakahiwalay na audit teams.

Kasama rin sa planong pagbabago ang mas mahigpit na pamantayan bago maaprubahan ang isang LOA, kung saan kinakailangan na ang malinaw na pahintulot mula mismo sa tanggapan ng BIR commissioner.

Inaasahan ng pamahalaan na sa sandaling ganap na ma­ipatupad ang mga repormang ito, lalakas hindi lamang ang koleksiyon ng buwis kundi pati ang tiwala ng publiko sa sistema ng pagbubuwis, isang mahala­gang salik sa pangmatagalang ka­tatagan ng ekonomiya ng ban­sa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here