Home OPINION HINDI PAREHAS NA HUSTISYA SA NAIA

HINDI PAREHAS NA HUSTISYA SA NAIA

274
0

BAGO ang lahat batiin muna natin ang “tagumpay” ng kapatid sa pamamahayag na si Val Gonzales, ng DZRH, dahil napatunayan niya na hindi peke ang kanyang balita. May pinagmulan at dapat may patutunguhan. Naipanalo niya bagaman hindi ang kabuuan ng “istorya” ng korapsyon sa Ninoy Aquino International Airport.

**********
Yes! Val Gonzales, may hatol na, ngunit hindi pa tapos ang laban. Dalawa sa limang airport police sa NAIA ang napatunayang nagkasala sa kasong pangingikil laban sa mga taxi driver at ito ay isang desisyong dapat ituring na tagumpay ng katotohanan, ngunit kasabay nito’y paalala ng malalim na bulok na sistemang bumabalot sa pangunahing paliparan ng bansa.

Sa 18-pahinang resolusyon ng Manila International Airport Authority–Special Investigation Committee on Police Matters, sinuspinde ng anim na buwan sina Airport Police Officer 2 Roberto Abuel at APO2 Alejandro Pineda Jr. matapos mapatunayang nagkasala ng grave misconduct, oppression, at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Base sa imbestigasyon, malinaw ang ebidensya na sila’y sangkot sa sapilitang paniningil ng hanggang 40 porsyento ng kita ng mga taxi driver.

Ngunit tatlong iba pang airport police na sina APO3 Pablito Seño, APO2 Bernardo Agra, at APO1 Rodolfo Piedad ay absuwelto hindi dahil sila’y malinis, kundi dahil umano sa kakulangan ng ebidensya.

Dito pumapasok ang mas masakit na katotohanan sa kulturang pinaghaharian ng takot at sindikato, hindi madaling magsalita ang mga biktima.

Ang inconsistency sa testimonya ng mga drayber ay hindi awtomatikong nangangahulugang kasinungalingan subalit madalas, ito’y sintomas nang panggigipit at pangamba sa posibleng ganti sa kanila o kanilang pamilya.

Ang kasong ito ay nag-ugat sa reklamo nina Felix Opina at Jaymay Pagduan, mga taxi driver na naglakas-loob magsiwalat ng sistematikong pangingikil. Kinilala mismo ng SICOP na may direktang kaalaman si Pagduan sa perang iniaabot sa mga akusado.

Noon pang Hunyo 2025, iniutos na ng dating Transportation Secretary Vince Dizon ang pagpapatalsik sa mga sangkot matapos ibunyag ang singil na umaabot sa 40 hanggang 60 porsiyento sa NAIA kung saan maituturing na isang abuso na direktang ipinapasa sa mga pasaherong pinapatawan ng sobra-sobrang pamasahe.

Malugod na tinanggap ng Lawyers for Commuters Safety and Protection ang desisyon. Si Atty. Ariel Inton, na kumatawan sa mga drayber, at Atty. Noel Valerio ay patunay na kapag may tumindig para sa naaapi, may napapanagot.

Ngunit sapat ba ang anim na buwang suspensyon para sa ganitong kalaking kasalanan? Kung ang pangingikil ay nagdudulot ng kahihiyan sa bansa, nagpahihirap sa manggagawa, at nanlilinlang sa turista, hindi ba’t dapat itong tumbasan ng mas mabigat na parusa at kasong kriminal?

Ang hatol na ito ay simula pa lamang. Kung seryoso ang pamahalaan sa reporma sa NAIA, hindi dapat dito magtapos ang hustisya. Dapat itong maging babala: tapos na ang panahon ng pananahimik, at ang paliparan ng bayan ay hindi teritoryo ng mga buwaya.

Noon nga palang dinirinig ang kaso, nangako si dating DOTR Secretary Dizon na isosoli ang mga lisensya ng dalawang drayber bilang kapalit ng kanilang pahayag o pagtestigo. Subalit hanggang ngayon na natapos na ang pagdinig at naipataw na ang hatol, hindi pa rin naisosoli ang lisensya ng dalawa na naunang ipinangako ng DOTR sa ilalim ng Land Transportation Office.

Puro na lang ba pangako ang gobyerno?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here