MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Justice (DOJ) nitong Lunes, 14 lamang sa 421 flood control projects na unang itinuring na “ghost projects” ang nakumpirmang wala talaga.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa umano’y irregularidad sa mga flood control projects, sinabi ni acting Justice Secretary Fredderick Vida na may kasong isinampa na sa Sandiganbayan para sa dalawa sa 14 kumpirmadong ghost projects.
Ang natitirang 12 proyekto, na konektado sa SYMS Construction Trading at Waowao Construction Trading, ay kasalukuyang nasa preliminary investigation pa.
“Sa iba pang 421 projects, hindi pa kami kumbinsido na ghost projects sila at patuloy kaming nagkakalap ng iba’t ibang ebidensya para masigurado kung ghost projects nga,” ani Vida sa Senate panel.
Dagdag pa ni Vida na habang dalawang kaso na ang nakabinbin sa Sandiganbayan, ang natitirang 12 ay inihahanda bilang bahagi ng batch ng mga kasong kaugnay ng SYMS Construction Trading.
Noong Oktubre 2025, iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na 421 sa humigit-kumulang 8,000 flood control projects na kanilang siniyasat sa buong bansa ay umano’y hindi umiiral.
Ngunit iginiit ni Senate Blue Ribbon Committee chair Panfilo “Ping” Lacson na sinadyang nagsumite ng maling grid coordinates si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan para sa libu-libong proyekto, na nagresulta sa “grossly inaccurate data” sa validation.
Dahil dito, sinabi ni DPWH Undersecretary Arthur Bisnar na maaaring kailanganing muling simulan ang validation process.
Hinimok naman ni Vida ang DPWH na maglabas ng listahan ng mga proyektong kumpirmadong umiiral upang paliitin ang saklaw ng imbestigasyon.
“If I may suggest, sana ang DPWH ay maglabas ng datos kung alin ang hindi ghost projects para ma-limit ang universe at makapag-concentrate kami sa case buildup laban sa ghost projects,” ayon sa kanya. RNT