Home NATIONWIDE Mindanao-wide na “Ligtas Tigdas” vaxx, inilunsad

Mindanao-wide na “Ligtas Tigdas” vaxx, inilunsad

220
0

MANILA, Philippines – Inilunsad ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ang Mindanao-wide na “Ligtas Tigdas” vaccination drive na nakatuon sa mga batang may edad anim na buwan hanggang 59 buwan upang maprotektahan laban sa tigdas at rubella.

Pinangunahan ni Health Secretary Ted Herbosa ang rollout sa General Santos City, na siyang hudyat ng pagsisimula ng Phase 1 ng nationwide Supplemental Immunization Activity (SIA) na tatakbo mula Enero 19 hanggang Pebrero 15, 2026.

Prayoridad ng kampanya ang mga batang walang bakuna o hindi kumpleto ang bakuna.

“Yung tao kailangan maganda ang nutrisyon, bakunado, at may primary care. At yun ang mga tututukan natin dito sa Mindanao,” ani Herbosa, na binigyang-diin ang kahalagahan ng wastong nutrisyon, pagbabakuna, at access sa primary care.

Binanggit ni Herbosa na matagal nang ginagamit ang bakuna laban sa tigdas, at nagsimula pa ang pagbabakuna noong dekada 1960.

“Matagal na pong ginagamit. 1960s pa nagpabakuna na tayo sa Pindas. Hindi po ito bagong bakuda,” ayon sa kanya.

Layunin ng DOH na maabot ang 95% immunization rate sa mga kwalipikadong bata, at magbibigay din ng vitamin A supplements bilang suporta sa paningin at pagpapalakas ng immunity.

“Vaccines are safe. Vaccines are effective. Vaccination saves lives,” dagdag pa ni Herbosa.

Aniya, nakasalalay ang tagumpay ng kampanya sa kooperasyon ng pambansa at lokal na pamahalaan, pati na rin sa suporta ng mga international partners gaya ng WHO, UNICEF, at CDC. Binanggit din niya na sumusunod ang kampanya sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dalhin ang serbisyong pangkalusugan malapit sa mga komunidad, lalo na sa Mindanao.

Inilahad din ni Herbosa ang rekord na P448-bilyong budget ng DOH para sa 2026, at sinabi niyang hindi na dapat maging hadlang ang pondo sa preventive care.

“Ang Department of Health ko, third highest budget kami… P448 billion. The highest budget ever of the Department of Health in its history.”

Hinimok din niya ang mga magulang na ipabakuna ang kanilang mga anak sa pinakamalapit na health center, at tinawag silang “tunay na bayani.”

Ayon sa DOH, susunod na ilulunsad ang kampanya sa Visayas at Luzon pagkatapos ng Mindanao, na muling nagpapatibay sa pangakong walang batang maiiwan sa national immunization drive. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here