ANG pinalawak na implementasyon ng Zero Balance Billing (ZBB) sa apat na pangunahing specialty hospitals sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA) ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas malawak at pantay na serbisyong pangkalusugan para sa bawat Filipino.
Ang Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center, at Philippine Heart Center ay makakatanggap ng tig-Php1 bilyon na dagdag na pondo upang masiguro ang operasyon ng komplikado at high-risk na gamutan, kasama na ang mas malawak na saklaw ng ZBB.
Naniniwala ang inyong Agarang Serbisyo Lady na upang maging mas makatotohanan at kapaki-pakinabang ang programang ito, nararapat lamang na itaas ang bed allocation para sa public o charity patients mula 30% patungong 50%.
Sa kasalukuyang sistema, 70 porsyento ng bed capacity ng mga specialty hospitals ay nakalaan para sa may bayad o private patients, habang 30 porsiyento lamang ang para sa public patients. Bagama’t nauunawaan natin na mahalaga ang kita mula sa private patients para sa pagpapatakbo ng mga ospital, malinaw naman na hindi ito sapat upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng mga Filipino na walang kakayahang magbayad para sa mataas na gastos sa kalusugan. Sa bawat ospital na nabanggit, ang karamihan ng mga serbisyong inaalok ay komplikado, kagaya ng heart surgeries, kidney transplants, at pediatric critical care. Kung mananatili ang 30 porsyentong alokasyon, limitado lamang ang bilang ng pasyenteng makikinabang sa ZBB, at marami ang naghihintay at hindi makapag-avail sa serbisyo.
Ang pagtaas sa bed allocation para sa charity cases sa 50 porsyento ay magbibigay-daan sa mas makatotohanang implementasyon ng ZBB. Hindi lang nito pinapalawak ang akses ng mga pasyenteng nangangailangan, kundi nagbibigay rin ng malinaw na pahiwatig na ang pamahalaan partikular ang Marcos administration ay seryoso sa Universal Health Care. Makakabawas ito sa stress sa mga public hospitals, habang pinapalakas din ang kapasidad ng mga specialty centers na maglingkod sa mas maraming Filipino nang walang hadlang sa kakayahang magbayad.
Bukod dito, ang karagdagang pondo sa ZBB para sa piling LGU hospitals ay nagbibigay ng magandang pagkakataon upang mas mapaigting ang network ng serbisyong medikal sa buong bansa. Ngunit kung ang bed allocation ay mananatiling mababa, malaki ang posibilidad na hindi lahat ng nangangailangan ay makikinabang. Mas makatarungan at makatotohanan na ang 50 percent bed allocation ay maging pamantayan sa apat na specialty hospitals. Dito, nakikita natin ang tunay na diwa ng ZBB na nais magkaloob ng serbisyong pantay para sa lahat, at hindi lamang para sa may kakayahang magbayad.
Sa huli, ang layunin ng ZBB ay hindi lamang bilang simbolo ng UHC, kundi bilang aktuwal na solusyon sa pangangailangan ng bawat Filipino. Ang pagpapalawak ng bed allocation para sa charity cases ay isang konkretong hakbang tungo sa mas inklusibo, makatarungan, at epektibong serbisyong pangkalusugan sa ating bansa.






