Home OPINION CHARITY WARDS GAWING 50% BED CAPACITY SA SPECIALTY HOSPITALS

CHARITY WARDS GAWING 50% BED CAPACITY SA SPECIALTY HOSPITALS

227
0

ANG pinalawak na implementasyon ng Zero Balance Billing (ZBB) sa apat na pangunahing specialty hospitals sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA) ay isang mahala­gang hakbang tungo sa mas malawak at pantay na serbisyong pangkalusugan para sa bawat Filipino.

Ang Lung Center of the Phi­lippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center, at Philippine Heart Center ay ma­kakatanggap ng tig-Php1 bilyon na dagdag na pondo upang masiguro ang operasyon ng kompli­kado at high-risk na gamutan, kasama na ang mas malawak na saklaw ng ZBB.

Naniniwala ang inyong Agarang Serbisyo Lady na upang maging mas makatotohanan at kapaki-pakinabang ang prog­ramang ito, nararapat lamang na itaas ang bed allocation para sa public o charity patients mula 30% patungong 50%.

Sa kasalukuyang sistema, 70 porsyento ng bed capacity ng mga specialty hospitals ay nakalaan para sa may bayad o private patients, habang 30 porsiyento lamang ang para sa public patients. Bagama’t nauunawaan natin na mahalaga ang kita mula sa private patients pa­ra sa pagpapatakbo ng mga ospital, malinaw naman na hindi ito sapat upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng mga Filipino na walang kakayahang magbayad para sa mataas na gastos sa kalusugan. Sa bawat ospital na nabanggit, ang karamihan ng mga serbisyong inaalok ay komplikado, kagaya ng heart surgeries, kidney transplants, at pediatric critical care. Kung mananatili ang 30 porsyentong alokasyon, limita­do lamang ang bilang ng pas­yenteng makikinabang sa ZBB, at marami ang naghihintay at hindi makapag-avail sa serbisyo.

Ang pagtaas sa bed allocation para sa charity cases sa 50 porsyento ay magbibigay-daan sa mas makatotohanang implementasyon ng ZBB. Hindi lang nito pinapalawak ang akses ng mga pasyenteng nangangaila­ngan, kundi nagbibigay rin ng ma­linaw na pahiwatig na ang pamahalaan partikular ang Marcos administration ay seryoso sa Universal Health Care. Makaka­bawas ito sa stress sa mga public hospitals, habang pinapa­lakas din ang kapasidad ng mga specialty centers na maglingkod sa mas maraming Filipino nang walang hadlang sa kakayahang magbayad.

Bukod dito, ang karagdagang pondo sa ZBB para sa pi­ling LGU hospitals ay nagbibigay ng magandang pagkakataon upang mas mapaigting ang network ng serbisyong medikal sa buong bansa. Ngunit kung ang bed allocation ay mananatiling mababa, malaki ang posibilidad na hindi lahat ng nangangaila­ngan ay makikinabang. Mas ma­katarungan at makatotohanan na ang 50 percent bed allocation ay maging pamantayan sa apat na specialty hospitals. Dito, nakikita natin ang tunay na diwa ng ZBB na nais magkaloob ng serbisyong pantay para sa lahat, at hindi lamang para sa may kakayahang magbayad.

Sa huli, ang layunin ng ZBB ay hindi lamang bilang simbolo ng UHC, kundi bilang aktuwal na solusyon sa pangangailangan ng bawat Filipino. Ang pagpapalawak ng bed allocation para sa charity ca­ses ay isang konkretong hakbang tungo sa mas inklusibo, ma­ka­tarungan, at epektibong serbis­yong pangkalusugan sa ating bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here