MANILA, Philippines — Nilinaw ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Albay na hindi konektado sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon o sa Tropical Depression Ada ang dalawang bangkay na natagpuan sa lalawigan.
Sa ulat, ang mga bangkay ay nadiskubre sa San Miguel Island sa Tabaco City at sa Sula Channel sa Bacacay. Patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima.
Sinabi ni Roderick Mendoza ng Albay Public Safety and Emergency Management Office na batay sa kondisyon ng mga labi, matagal na umanong pumanaw ang mga ito.
“Sa tingin namin, wala itong koneksyon sa volcano at sa bagyong Ada dahil advanced na ang state of decomposition,” ani Mendoza, na dagdag pang malamang ay nangyari ang insidente bago pa dumaan ang bagyo at ngayon lamang natagpuan ang mga bangkay.
Samantala, mahigit 1,000 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng Mayon.
Ilang evacuee ang nagpahayag ng pangamba sa kanilang kabuhayang naiwan sa loob ng anim na kilometrong permanent danger zone, dahilan upang magsagawa ang pamahalaang panlalawigan ng konsultasyon para sa posibleng tulong pangkabuhayan.
Gayunman, hindi pa inaasahang makababalik agad ang mga residente sa kanilang mga tahanan dahil nagpapatuloy pa rin ang magmatic unrest ng bulkan.
“May posibilidad pa rin itong lumala kaya patuloy ang mahigpit na pagmamanman,” ayon kay Mendoza. RNT/JGC