Home LIFESTYLE HEALTH Pagbabakuna ng Ligtas Tigdas sa kabataan, suportado ng PH Red Cross

Pagbabakuna ng Ligtas Tigdas sa kabataan, suportado ng PH Red Cross

547
0

MANILA, Philippines – Sinusuportahan ng Philippine Red Cross (PRC), katuwang ang mga international humanitarian at health partners, ang Ligtas Tigdas: Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR-SIA) ng pamahalaan, isang nationwide vaccination campaign na layong protektahan ang milyun-milyong batang Pilipino laban sa tigdas at rubella.

Sa pahayag nitong Martes, Enero 20, sinabi ng PRC na ang programa ay sinusuportahan ng International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies (IFRC), Centers for Disease Control and Prevention (CDC), at International Committee of the Red Cross (ICRC) upang mapigilan ang pagkalat ng dalawang lubhang nakahahawang sakit na patuloy na banta sa kalusugan ng mga bata.

Isasagawa ang Ligtas Tigdas sa dalawang yugto. Ang Phase 1, mula Enero 19 hanggang Pebrero 13, 2026, ay sasaklaw sa Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ang Phase 2 naman ay ipatutupad sa Luzon at Visayas sa Hunyo 2026.

Sa unang yugto pa lamang, target ng kampanya na maabot ang 800 komunidad at mabakunahan ang mahigit 50,000 bata, sa tulong ng 66 vaccination teams na binubuo ng mga sinanay na kawani at boluntaryo ng PRC.

Bilang katuwang ng gobyerno sa larangan ng humanitarian work, kikilos ang PRC sa pamamagitan ng nationwide volunteer network nito upang tumulong sa community engagement, health promotion, at koordinasyon sa mga vaccination site, lalo na sa mga liblib at vulnerable na lugar.

“Measles and rubella remain a serious threat to children, especially in communities with limited access to health services,” ayon kay PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon.

“Through Ligtas Tigdas, we are working with our partners to help ensure that no child is left unprotected,” dagdag niya.

“Vaccination saves lives, and this campaign is a vital step toward preventing avoidable illness and death.”

Binigyang-diin naman ni PRC Secretary General Dr. Gwen Pang ang kahalagahan ng partisipasyon ng komunidad.

“Our strength lies in our presence at the community level. By working alongside health workers and local governments, our volunteers help build trust and encourage parents to bring their children to vaccination sites,” sabi niya.

“This is how we protect communities before outbreaks happen.”

Target ng kampanya ang mga batang may edad 6 hanggang 59 na buwan, upang maprotektahan sila laban sa malubhang komplikasyon, pagka-ospital, at pagkamatay dulot ng tigdas at rubella.

Muling tiniyak ng PRC ang patuloy nitong suporta sa mga national at local public health initiatives, disaster preparedness, at community resilience. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa pinakamalapit na Philippine Red Cross chapter o tumawag sa PRC Hotline 143. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here