MANILA, Philippines — Muling itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ngayong Huwebes ang mga paratang tungkol sa umano’y P15-bilyong “ghost projects” sa organisasyon, at sinabi nitong tumutukoy ang halagang ito sa TIKAS Program na eksklusibong pinamamahalaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang pahayag, sinabi rin ng AFP na “completely false” ang mga alegasyon na nilabag ni AFP chief General Romeo Brawner Jr. ang Philippine Military Academy Honor Code, at tinawag itong gawa-gawang kwento na naglalayong sirain ang reputasyon ng isang mataas na opisyal ng militar.
“Furthermore, the AFP categorically denies receiving P15 billion from [Representative Martin Romualdez] for ‘ghost projects,’” dagdag ng pahayag.
Hinimok ng AFP ang publiko na maging mapanuri sa mga recycled at maling impormasyon at umasa lamang sa opisyal at mapagkakatiwalaang mga pinagkukunan. Aniya, nananatili ang organisasyon sa pagtupad ng transparency, accountability, at integridad sa pagsasagawa ng constitutional mandate nito.
Nagsimula ang isyu noong Oktubre 2025 nang irekomenda ng Department of National Defense na itigil ang mga hindi natapos na military infrastructure projects sa ilalim ng DPWH, matapos ituro ni Senate finance committee chairperson Sherwin Gatchalian ang mga unfinished projects para sa Philippine Air Force sa ilalim ng TIKAS program sa isang pagdinig sa budget ng DND.
Mula noon, nililinaw ng AFP ang mga “misleading” na post sa social media na nag-uugnay sa mga proyekto sa pamunuan ng militar. Dave Baluyot