MANILA, Philippines – TINIYAK ng Malakanyang sa publiko na walang sinuman, anuman ang katayuan sa lipunan o impluwensiya, ang maaaring umiwas sa pananagutan sa kaso ng “missing sabungeros.”
Ang pagtiyak na ito ng Malakanyang ay matapos ihayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla na posibleng nagtatago na sa bansang Cambodia o di kaya sa Thailand ang puganteng negosyante na si Atong Ang.
Ito aniya ay batay sa pahayag sa kanya ng whistleblower na si Julie Patidongan dahil sa may kakayahan si Ang na bumiyahe sa Cambodia sa pamamagitan ng backdoor routes at iwasan ang mga otoridad.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang usapin na “missing sabungeros” ay matagal nang mino-monitor ng gobyerno.
“So, kung ito po nangyayari ngayon na isang malaking tao ay nasasangkot sa ganitong klaseng karumal-dumal na krimen, hindi po papabayaan ng gobyerno na hindi managot ang mga taong dapat managot sa hustisya,” ayon kay Castro.
Binigyang-diin nito na nananatiling committed ang administrasyon sa pagtataguyod ng hustisya at ang high-profile cases ay nakatatanggap ng nararapat na atensyon.
Samantala, nahaharap si Ang sa multiple arrest warrants kaugnay ng di umano’y pagkawala at pagkamatay ng ilang “sabungeros.” Kris Jose