Home NATIONWIDE Ethics complaint vs. Sen. Ejercito, natanggap na ng opisina ni SP Sotto

Ethics complaint vs. Sen. Ejercito, natanggap na ng opisina ni SP Sotto

217
0

MANILA, PHILIPPINES – Nagsampa ng ethics complaint ang abogadong si Eldrige Marvin B. Aceron laban kay Sen. Joseph Victor “JV” G. Ejercito, chairman ng Senate Committee on Ethics and Privileges. Ayon sa abogado, nagpabaya ang senador sa sinumpaang tungkulin bilang mambabatas.

Ang reklamo laban kay Sen. JV ay natanggap rin ng opisina ni Senate President Sen. Vicente “Tito” Sotto noong ika-22 ng Enero, 2026.

Ang reklamo ay dahil sa hindi umano pag-aksiyon ni Sen. JV sa reklamong sinampa laban kay dating Senate President Francis “Chiz” G. Escudero noon pang ika-2 ng Oktubre, 2025.

Saad sa reklamo na matapos ang 110 araw, hindi pa rin nagbibigay ng case number ang Senate Ethics Committee at hindi pa rin ipinagbibigay-alam sa nagreklamo kung ano ang katayuan ng kaso.

Nakadetalye sa orihinal na reklamo ang dokumentadong nawawalang ₱35 million sa financial statements at ₱16.67 billion na kontrata mula sa gobyerno na ipinagkaloob sa campaign donor ni Sen. Chiz Escudero.

Ang reklamo ay suportado ng 347 na co-complainants kabilang si Constitutional Commissioner Prof. Ed Garcia at Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio S. Almario.

“Kung ayaw, may dahilan. Kung gusto, maraming paraan,” ani Atty. Aceron.

Sinabi rin ni Atty. Aceron na mainam pa ang ibang ahensiya ng pamahalaan, partikular ang House of Representatives kung saan umusad ang ethics complaint laban kay Rep. Kiko Barzaga; mula filing hanggang sa nahatulan ng guilty at napatawan ng 60-day suspension ang mambabatas, tumagal lamang ang buong proseso ng 77 na araw.

Idiniin ni Aceron na sa mga barangay sa buong bansa, limang minuto lang ang kailangan para mabigyan ng case number.

Dahil sa hindi pag-aksiyon ni Sen. JV, isinusulong ni Aceron na tanggalin si Sen. JV bilang Ethics Committee chairman, at ipagbawal ang pagkikilahok ng senador sa anumang reklamong sangkot si Sen. Chiz.

Inihain din sa reklamo na magkaroon ng mga reporma sa proseso ng Senado gaya ng mandatory docketing within five working days, public complaint registries, at year-round processing ng ethics complaints.

“Hindi namin hinihiling sa Senado ang araw at mga bituin. Ang hiling lang namin ay kung ano ang ginagawa ng mga barangay sa loob ng limang minuto: magbigay ng case number,” saad ni Aceron sa reklamo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here