Home NATIONWIDE Taga-suporta ni Revilla, nagtipon sa Sandiganbayan

Taga-suporta ni Revilla, nagtipon sa Sandiganbayan

194
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Nagtipon noong Biyernes ang dose-dosenang mga suporter ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa labas ng Sandiganbayan sa Quezon City habang hinaharap niya ang arraignment kaugnay ng flood control scandal.

Mula sa Cavite, ang probinsya ni Revilla, sinabi ng mga suporter na wala silang bayad at sariling gastos ang kanilang pagpunta upang ipakita ang suporta sa aktor at dating mambabatas.

Nagtiis sila sa init at kakulangan ng suplay ng tubig habang naghihintay sa labas ng korte.

Ayon sa kanila, ang kanilang pagsuporta ay pasasalamat umano sa tulong na ibinigay ng pamilya Revilla, tulad ng gamot, trabaho, at iba pang uri ng ayuda.

“Kung meron man siyang nagawa, pero itinutulong niya sa mga tao,” ani ng emosyonal na si Virginia Torio.

“Nobody po ako, isa lang po akong tagalinis ng kalye. Binigyan niya kami ng pagkakataon na magkaroon ng trabaho sa kanilang botika ng bayan,” ayon sa isa pang suporter na tumangging magpakilala.

Si Revilla, 59 taong gulang, ay nahaharap sa isa pang pagkakakulong dahil sa non-bailable na kasong malversation kaugnay ng P92.8-milyong ghost flood control project sa Bulacan.

Mayroon din siyang kasong graft kung saan nag-post siya ng P90,000 piyansa.

Siya ay inaresto noong Martes kasama ang anim na dating opisyal ng DPWH Bulacan First District Engineering Office.

Ayon sa Office of the Ombudsman, pinagsabwatan umano ng mga akusado ang paglihis ng P76 milyon mula sa pondo ng flood control project na idineklarang tapos kahit hindi naman naipatupad.

Mariing itinanggi ni Revilla ang akusasyon at sinabi niyang haharapin niya ito “head on.”

Matatandaang na-detain din si Revilla nang apat na taon simula 2014 dahil sa pork barrel scam bago siya maabsuwelto sa kasong plunder noong 2018.

Nanindigan naman ang ilan sa kanyang mga suporter na wala siyang kasalanan.

Si Revilla ay kusang sumuko sa Camp Crame noong Lunes ng gabi matapos maglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban sa kanya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here