MANILA, Philippines – Hinimok ni Sen. JV Ejercito si dating House Speaker Martin Romualdez ng Leyte na humarap sa Senate Blue Ribbon Committee matapos muling mabanggit ang kanyang pangalan sa pagdinig kaugnay ng flood control scandal.
Nauna nang nanawagan si Sen. Risa Hontiveros matapos sabihin ng dalawang testigo na si contractor Curlee Discaya umano ang nagsabi sa kanila na bumili si Romualdez ng bahay na inuupahan ng kanilang employer.
Mariing itinanggi ni Romualdez ang alegasyon at ang umano’y ugnayan niya kay Discaya, pati na rin ang dating imbitasyon na humarap sa Senado.
“Everybody has to be heard yung side nila. That’s why I’m hoping that yung sinabi binanggit na si Speaker Romualdez would appear para marinig din natin yung side niya,” ani Ejercito.
Ayon kay Ejercito, mahalagang marinig ang panig ni Romualdez lalo na’t si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na itinuturing na sentrong personalidad sa isyu, ay chair ng House appropriations committee noong panahon ng speakership ni Romualdez.
“Due process lang tayo naman. We want to hear both sides,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Ejercito na wala siyang nakikitang problema sa paraan ng paghawak ng Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon at malaya umanong nakapagtatanong ang mga senador.
“Sa akin lang, huwag tayong ma-distract just because there are other big names that are being mentioned. But let us look at who are the architects really of these modus. Again, it was really sa [Department of Public Works and Highways], [Roberto] Bernardo, [Henry] Alcantara, Brice Hernandez and company,” pahayag niya.
Dagdag pa niya, base sa testimonya ni Cong. Toby Tiangco, “talagang it was Zaldy Co and the contractors.”
Binigyang-diin din ni Ejercito na ang opisyal na ulat ng Blue Ribbon Committee ang dapat sundin, hindi ang ulat ng minority bloc.
“It’s their discretion siguro…na nasa kanila po ‘yan if they would want to come up with their own version of the report… But I think we only have to follow one, the official Blue Ribbon Committee report.”
Aminado rin si Ejercito na nalulungkot siya dahil may ilang kasamahan ang nadawit sa isyu, ngunit iginiit ang pananagutan.
“Pero, this is accountability. We will just follow where the evidence would take us. They have to face the music kung talagang meron. Pero sa akin lang, huwag tayong malihis sana… huwag tayong malayo doon sa modus dahil if we really want to put safeguards and introduce reforms, we have to know how they went about it para hindi na ito maulit-maulit.” RNT/MND