Home METRO 250-K deboto nakibahagi sa parada ng Sto. Niño Festival sa Pasay

250-K deboto nakibahagi sa parada ng Sto. Niño Festival sa Pasay

214
0

MANILA, Philippines – Mahigit 250,000 deboto ang nakibahagi sa ginanap na grand procession sa pista ng Santo Niño Festival 2026 sa Pasay City na nilahukan ng mga nananalig sa poon sa iba’t-ibang sulok ng Metro Manila nitong Linggo, Enero 25.

Ang Santo Niño Festival 2026, na inorganisa ng lokal na pamahalaan ng Pasay sa pakikipag-ugnayan ng Congregacion del Nombre de Jesus, ay tinampukan ng mahigit 91 na naggagandahan at makukulay na karosa.

Nagsimula ang parada ng mga makukulay na karosa ni Santo Niño ng alas 3:00 ng hapon sa kahabaan ng F.B. Harrison sa harap ng Pasay City Hall patungong Baclaran at ang ruta ay kakanan sa EDSA at muling kakanan sa Roxas Boulevard hanggang sa makarating sa boundary ng Pasay at Manila kung saan ito magtatapos.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, na siyang tinaguriang Hermana Mayor katuwang ang kanyang kapatid na si Congressman Tony Calixto na umakto namang Hermano Mayor, ang naturang grand procession ni Sto. Niño ay nasa ikaapat nang taon ng pagsasagawa sa lungsod.

Si Calixto-Rubiano, na isa ring deboto ng Batang Sanggol na si Jesus, ay nakilahok din sa parada kung saan kanyang ipinakita kabilang ang kanyang asawa na si Egay at mga anak ang inilahok ng pamilya na si Santo Niño De Palaboy na pinalamutian ng mga kulay rosas na bulaklak.

Samantala, sinabi naman ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto na umabot sa 280 kapulisan ang itinalaga para sa naturang parada na nagresulta ng maayos at tahimik na pagsasagawa ng naturang grand procession. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here