TINIYAK ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) na mananatiling available ngayong taong 2026 ang 21 na mahahalagang gamot sa ilalim ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) sa lahat ng YAKAP-accredited primary care facilities sa buong bansa.
Sinabi ni PHILHEALTH president at chief executive officer Dr. Edwin M. Mercado na patuloy na makikinabang ang mga miyembro sa libreng akses sa mga pangunahing gamot bilang bahagi ng pinalalakas na benepisyo ng ahensya.
Kabilang sa mga gamot na saklaw ng programa ang antibiotics, gamot sa hika, pampababa ng lagnat, para sa altapresyon, diabetes, at sakit sa puso. Ilan sa mga ito ay Amoxicillin, Paracetamol, Metformin, Amlodipine, Losartan, Aspirin, Salbutamol, at Oral Rehydration Salts (ORS), na karaniwang kailangan sa pang-araw-araw na gamutan ng mga pasyente.
Patuloy na maaaring kunin ng mga miyembro ang mga gamot sa YAKAP clinic kung saan sila naka-enroll, upang matiyak ang agarang gamutan at tuloy-tuloy na pangangalagang medikal, lalo na para sa mga pasyenteng may malalang karamdaman.
Binigyang-diin din ng PHILHEALTH ang paalala sa mga partner YAKAP providers na panatilihing sapat ang suplay ng mga gamot at sundin ang itinakdang pamantayan ng serbisyo sa ilalim ng programa.
Ang YAKAP Program ay bahagi ng mas pinalawak na inisyatibo ng PHILHEALTH upang palakasin ang primary care services, bawasan ang gastusing medikal ng mga Filipino, at maiwasan ang paglala ng mga sakit sa pamamagitan ng maagap na gamutan.
Ang panawagan ni Dr. Edwin Mercado sa publiko na magparehistro sa YAKAP.
Maaaring gamitin ng mga miyembro ng PHILHEALTH ang link nito sa eGovPH app upang makuha ang benepisyo mula sa mga accredited health provider.
Para sa karagdagang detalye, maaaring makipag-ugnayan ang mga miyembro sa pinakamalapit na PHILHEALTH Regional Office o tumawag sa Corporate Action Center sa (02) 866-225-88. Maaari rin silang makipag-ugnayan sa mga mobile hotline numbers na:
– Smart: 0998-857-2957/ 0968-865-4670
– Globe: 0917-127-5987/ 0917-110-9812






