Home OPINION PATAY SA NIPAH: 40%-75%-91%

PATAY SA NIPAH: 40%-75%-91%

293
0

DAPAT magtodo-ingat lahat tayo laban sa Nipah virus.

Hindi biro-biro ang sakit na ito.

Para itong Covid-19 na pumatay ng kung ilang milyon sa buong mundo, kasama ang 66,453 mula sa

4,115,202 na natamaan sa mahal kong Pinas.

Bagama’t sinasabing walang Nipah Virus ngayon sa Pilipinas, nagkaroon na tayo noon ng 17 na nagkasakit nito sa Sultan Kudarat.

Ang hindi maganda sa balitang ito, hindi gaanong ipinaliliwanag ng mga awtoridad kung may namatay ngunit sinasabi ng mga dayuhang pamahayagan na may 9 na namatay.

Kalahati ang namatay sa mga natamaan.

Ganito kaseryoso ang problemang inihahatid ng sakit na ito.

40%-75%-91% PATAY

Sinasabing mula 40 porsyento hanggang 75% ang namamatay sa mga nagkakaskit ng Nipah virus.

Pero sa ilang lugar, nasa 91% o sa bawat 100 kataong nagkakasakit, 91 ang patay.

Nangyari ito sa Kerala, India.

Sa Malaysia noong 1998-1999, lalo na sa Negeri Sembilan, Perak and Selangor, may tinamaang 265 at 105 dito ang namatay.

Sa Singapore, 1 ang namatay mula sa 11 kaso.

Sa Bangladesh, may 347 kaso at 249 ang namatay simula noong 2001.

Sa India naman, may 106 kaso at 72 ang namatay.

Ganyang katindi ang Nipah Virus.

MGA SINTOMAS

Kapag nakakain ka ng karneng baboy, kabayo o paniki, lalo na kung kilawin o kaya’y inihaw at hindi kompleto ang pagkakaluto, at nakaramdam ka ng kakaiba sa loob ng 4 hanggang 14 araw o hanggang 45 araw, magpatsekap ka na sa ospital.

Heto ang mga sintomas: Lagnat, pananakit ng ulo, Myalgia (pananakit ng kalamnan), pagsusuka, pananakit ng lalamunan, pagkahilo, pagka-antok, pagbabago ng kamalayan at sakit sa ulo na encephalitis o pamamaga ng utak.

Kapag malala na, maaaring makaranas ang biktima ng encephalitis at mga seizure at humantong sa coma sa loob ng 24 hanggang 48 oras.

Alam na ninyo ang kasunod nito, lalo’t walang gamot o bakuna para rito, istayl Covid-19.

Mahal ang kabaong, paglalamay, paglilibing at pagpapaospital.

PAG-IINGAT

Sa ngayon, bantayan ang ating mga kamag-anak na galing sa Bangladesh at India na kasalukuyang tinatamaan ng virus.

Katulad ng Covid-19, droplets o mga talsik ng mga laway, ihi, dumi at iba pang likido gaya ng dugo ang posibleng pagmulan ng pagkahawa.

Iwasang kumain ng kilawin o hindi naluto nang husto na karneng baboy, kabayo at paniki.

Katulad noong panahon ng Covid-19, laging maglinis ng kamay, magsuot ng facemask at iba pang paraan na maiwasan ang kontak sa mga posibleng lugar na may kontaminasyon, kasama na ang mga kubeta.

Kumontak sa mga health center sa mga barangay o munisipyo.

Teka nga pala, marami pang barangay ang hindi binababaan ng Department of Health ng mga instruksyon para maipakalat ang pag-iingat sa sakit.

Gumagala ngayon ang ilan nating Uzi at ito ang ating natagpuang impormasyon.

Sinasabi ng DOH sa ilalim ni Secretary Ted Herbosa na handa ang Pilipinas laban sa Nipah Virus.

Pero lumilitaw nga na maraming barangay ang walang pasabi o kampanya ang DOH o kahit ang mga municipal o city health office laban sa nakamamatay na sakit.

O kilos na!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here