MANILA, Philippines – Sinupalpal ng Malakanyang ang mga “hypocrite” critics nito na nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa mga pagkakamali ng nakaraang administrasyon at pinipiling pabagsakin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro kasunod ng panawagan ng ilang miyembro ng oposisyon ng pagbibitiw ni Marcos sa kabila ng pagsisikap nitong tugunan ang mga problema ng bansa partikular ang korapsyon sa pamahalaan.
“Huwag magpaka-hipokrito. Kailangan natin ang mga taong totoong lumalaban sa korapsyon,” ani Castro.
Ang pahayag ni Castro ay tugon kay dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa alegasyon nito na si Marcos ang “mastermind behind the corruption.”
Pinangunahan ni Defensor ang caravan sa EDSA at nananawagan ng pagbibitiw ni Marcos kasabay ng mga anomalya sa flood control projects.
Inanunsyo niya na magkakaroon pa ng serye ng anti-corruption motorcades sa iba’t ibang lugar ng bansa dahil sa pagkadismaya umano ng publiko.
Ito ay kasunod pa ng pagtanggi ng House Office of the Secretary General na tanggapin ang impeachment complaint na inihain ng opposition groups.
Pinayuhan din ni Defensor si Marcos na maging transparent sa totoong kondisyon ng kalusugan nito.
“Pinapaalam namin ang tunay na kalagayan ng Pangulo; huwag silang bulag o bingi. Huwag din silang manatiling source ng fake news,” sagot naman dito ni Castro.
“‘Yung tahimik sa lantarang korapsyon sa nakaraang administrasyon, nasaan sila noon? Naging enabler ba sa pagnanakaw sa kaban ng bayan noon? Naging kasabwat din ba?” tanong pa ni Castro.
Sinupalpal din ni Castro ang pagda-drama ng oposisyon sabay hamon sa mga ito na ilantad ang lahat ng kanilang nalalaman.
“Ang mga dapat malaman ng bayan ay dapat nang ipahayag nang walang takot. Hindi puro sa media lang. Huwag daanin sa drama, insinuations, at puro bintang na ‘walang ebidensya’ ang pagbibintang sa administrasyon,” aniya.
Ito ay kasunod ng sinabi ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na hiniling ng ilang representative ng administrasyong Marcos na bumyahe siya patungo sa ibang bansa at tigilan na ang paglalabas ng mga ebidensya sa flood control irregularities. RNT/JGC