MANILA, Philippines – Umakyat na sa 37 ang bilang ng mga nasawi sa lumubog na M/V Trisha Kerstin 3 matapos marekober ang tatlo pang bangkay.
Batay sa Philippine Coast Guard (PCG) nitong Sabado, Enero 31, nakuha ang dalawang bangkay sa Baluk-Baluk Island at Mataja Island ng joint search and rescue team bandang 1:42 ng madaling araw.
Pagsapit naman ng alas-2 ng hapon ay narekober ang isa pang bangkay sa dagat.
Ibinyahe na patungong Zamboanga City ang lahat ng tatlong bangkay para sa tamang disposisyon.
Nananatili naman sa 316 ang bilang ng mga nakaligtas.
Nauna nang sinabi ng mga awtoridad sa Zamboanga City na ilang mga pasahero ay bumili ng mga ticket sa pamamagitan ng scalper at sa loob ng barko kaya hindi sila nakasama sa manifesto ng barko.
Matatandaan na lumubog ang M/V Trisha Kerstin 3 sa dagat na sakop ng Basilan noong Lunes. RNT/JGC