MANILA, Philippines – Ayon kay Senior Deputy Majority Leader at Iloilo 3rd district Rep. Lorenz Defensor, hindi inalis ng Korte Suprema (SC) ang “fast-track” mode ng impeachment. Aniya, malinaw na nakasaad ito sa Konstitusyon at hindi maaaring alisin.
“The fast mode stays, it cannot be removed because it is embodied clearly in the provisions of the Constitution,” pahayag ni Defensor sa mga House reporter noong Lunes, Peb. 2.
Ipinaliwanag niya na kapag inendorso ng hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng House ang impeachment complaint, dapat itong dumiretso sa Senado para sa paglilitis.
“Malinaw ang wording ng ating Constitution that if at least one-third of all members of the House of Representatives–just like what we did–endorsed an impeachment complaint, it should go directly to Senate for trial forthwith,” aniya.
Tinukoy ni Defensor ang nangyari noong Peb. 5, 2025, nang lagdaan at aprubahan ng humigit-kumulang 215 mambabatas ang impeachment complaint laban kay Vice President Duterte.
Gayunman, walang naganap na Senate trial matapos ideklarang unconstitutional ng SC ang reklamo noong Hulyo 25, 2025, bagay na pinagtibay ng SC En Banc noong Ene. 29 matapos tanggihan ang motion for reconsideration ng House.
Sa desisyon, nagbigay ng suhestiyon ang SC na dumaan pa sa karagdagang hakbang ang fast-track process, gaya ng pagdaan sa Committee on Justice, ngunit hindi ito sinang-ayunan ni Defensor.
“Hindi dapat sana nagbigay pa ng ibang suhestiyon ang ating [SC] bagamat iginagalang natin ang ating justices, maintindihan naman nila ang aming disagreement with their decision,” sabi niya.
“Ang sabi ng [SC] kahit ‘di naman nila ni-lay down as a doctrine in that decision, it was a mere suggestion na baka pwedeng idaan din sa Committee on Justice kahit endorsed ng at least one-third of all the members of Congress. Pero sinusunod namin ang Constitution,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Defensor na ang Konstitusyon ang pinakamataas na batas ng bansa at kapag naipasa na ng House ang impeachment complaint, ang Senado na ang may kapangyarihang magpasya rito.
“Whatever it is that’s defective in that complaint, if it is endorsed by at least one-third of all the members of Congress, it is the Senate Impeachment Court that will decide the fate of that impeachment complaint,” paliwanag niya.
Sa huli, iginiit niya ang paggalang sa separation of powers at sinabi na ang impeachment ay isang political question na dapat resolbahin ng mga sangay ng pamahalaan na binigyan ng kapangyarihan ng taumbayan. RNT/MND