Home NATIONWIDE Sotto: Pagpapatalsik sa SP, walang sapat na bilang

Sotto: Pagpapatalsik sa SP, walang sapat na bilang

179
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III nitong Biyernes na hindi plano ng Senate majority na ibigay ang pagka-Senate President kay Senator Loren Legarda upang pigilan ang isang umano’y “coup,” dahil wala umanong sapat na bilang ng boto para mapatalsik ang kasalukuyang liderato.

Ayon kay Sotto, hindi kailanman nagkaroon ng sapat na numero ang mga tinawag niyang “coup plotters.”

“That’s inaccurate. As a matter of fact, false. Because as early as the roll call, alam na namin na walang motion or walang numero to unseat the leadership,” ani Sotto.

Ipinaliwanag niya na upang mapatalsik ang isang Senate President, kailangan ng 13 boto na may nakasulat na commitment.

“To unseat the leader, you must have 13 votes. The 13 votes, you must have it in writing. In fact, hindi pwedeng commitment na salita lang,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ni Sotto na delikado ang magtangkang palitan ang liderato nang walang malinaw at nakasulat na suporta.

“That is a very dangerous move. Mapapahiya ka,” aniya, habang ipinaliliwanag na hindi kailanman ginagawa sa Senado ang biglaang mosyon sa plenaryo para patalsikin ang liderato nang walang sapat na bilang.

Nilinaw rin ni Sotto na hiwalay ang mga biruan sa loob ng Senate lounge, kabilang ang suhestiyon ni Majority Leader Miguel Zubiri na gawing Senate President si Legarda, sa aktuwal na sesyon ng Senado.

“So, it doesn’t matter kung yung biruan namin sa loob ng lounge… Wala nang kinalaman yun sa session itself,” ani Sotto.

Naniniwala si Sotto na may dalawang dahilan ang mga nais magpatalsik sa kanya: ang usapin sa committee chairmanships, partikular matapos tanggalin si Senator Imee Marcos bilang chair ng Foreign Relations Committee, at ang draft report ng Blue Ribbon Committee sa flood control scandal na nagrekomenda ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa tatlong minority senators.

Inamin din ni Sotto na matagal nang napag-usapan ang pag-aalok ng Senate Presidency kay Legarda.

“Oo. Noong araw, napag-usapan namin yung ayaw niya… Noong 20th Congress, pag-upo pa lang,” ani Sotto.

Bagama’t may mga tangkang baguhin ang liderato, sinabi ni Sotto na wala siyang sama ng loob sa mga kasamahan at iginiit na patas ang trato niya sa majority at minority sa Senado.

Nilinaw rin niya na walang term-sharing agreement sa pagitan niya at ni Legarda, na nananatiling ilag sa usaping inalok umano siyang maging Senate President kapalit ng paglipat sa minority.

Nauna nang kinumpirma ni Sotto na may plano siyang gawing unang babaeng Senate President si Legarda bago matapos ang 20th Congress, sa kabila ng nabigong tangkang patalsikin siya sa puwesto. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here