Home NATIONWIDE Malakanyang nanindigan, maging consistent sa deklarasyon sa posisyon ng Pilipinas sa WPS

Malakanyang nanindigan, maging consistent sa deklarasyon sa posisyon ng Pilipinas sa WPS

254
0

MANILA, Philippines – BINIGYANG DIIN ng Malakanyang ang pangangailagan para maging consistent at responsable sa pagbibigay ng public statements sa West Philippine Sea (WPS).

Kaya nga, muling inulit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang matibay na posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., laban sa pagsuko sa anumang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas o national interest.

Ani Castro, habang ang mga mambabatas ay malaya na ihayag ang kanilang saloobin, nais ng Pangulo na ang mga Filipino lalo na ang mga public officials ay “to clearly and consistently communicate the country’s rights and interests.”

“Pero ang nais din po ng Pangulo, maipahatid ninuman, ng bawat Pilipino kung ano ba ang ating karapatan sa ating teritoryo, kung ano ba ang interes natin sa West Philippine Sea,” ayon kay Castro.

Ang pahayag na ito ng Malakanyang ay bunsod ng bangayan nina Sen. Francis Pangilinan at Rodante Marcoleta noong nakaraang linggo tungkol sa eksaktong coordinates ng bahagi ng South China Sea kung saan may soberanong karapatan ang Pilipinas.

Sa deliberasyon sa Senate Resolution No. 256, sinabi ni Pangilinan na ayon sa datos ng Philippine delegation sa International Arbitral Tribunal (IAT), may karapatan ang Pilipinas sa humigit-kumulang 500,000 square kilometers ng SCS.

Binanggit niya na pinawalang-bisa ng 2016 arbitral ruling ang 9-dash line ng China at itinaguyod ang karapatan ng Pilipinas sa exclusive economic zone (EEZ).

Samantala, iginiit ni Marcoleta na ang West Philippine Sea ay humigit-kumulang 381,000 square kilometers base sa deklarasyon ng National Security Council.

Aniya, hindi malinaw ang eksaktong coordinates at may ilang isla sa Kalayaan Island Group na hindi sakop ng 200-nautical mile EEZ, gaya ng Pag-asa (Thitu Island), Parola (Northeast Cay), Kota (Laoita Island), at Lankiam Cay.

Tinawag ni Pangilinan na walang saysay ang ganitong pagtatalo dahil pabor sa Pilipinas ang arbitral ruling at wala nang kailangang baguhin.

Ipinunto ni Marcoleta na mahalagang matukoy ang coordinates ng WPS upang maayos ang mga alitan sa teritoryo, lalo na sa mga isla na sinasakop din ng China at Vietnam.

Pinaliwanag naman ni Sen. Risa Hontiveros na ang research ng International Hydrographic Organization ay teknikal lamang at hindi legal na pagkilala sa soberanya, kabilang ang 9-dash line ng Tsina.

Pinayuhan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na isuspend ang deliberasyon dahil maaaring may national security implications ang diskusyon.

Binigyang diin ni Castro na ang posisyon ng Pangulo ay nananatiling hindi nagbabago.

“Ganoon pa rin po ang posisyon ng Pangulo, wala pong anumang bahagi ng teritoryo natin o anumang interes ang isu-surrender sa anumang foreign power,” aniya pa rin.

TInuran ni Castro na ang debate sa Senado ay nakapaloob sa scope ng mga duties at freedom of expression ng mga mambabatas, subalit nagbabala laban sa walang ingat o inconsistent messaging sa sensitibong national issues.

“Pero dapat din po tayong maging tugma sa ating ipinapahayag,” ang sinabi ni Castro sabay sabing “May kasabihan nga tayo, ‘Ang magtanim ng hangin, bagyo ang aanihin.” Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here