Home OPINION P113B SIN TAX KOLEKSYON AT P106B SHARES MULA SA PCSO, PAGCOR, ...

P113B SIN TAX KOLEKSYON AT P106B SHARES MULA SA PCSO, PAGCOR, HINDI PA NAIRE-REMIT SA PHILHEALTH

152
0

MARIING nanawagan si Senadora Loren Legarda para sa isang radikal na reporma sa sistema ng pagpopondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Sa kanyang kamakailang privilege speech, binigyang-diin ng senadora na ang hindi maayos na paglalabas ng pondo para sa Universal Health Care (UHC) Act ang pangunahing dahilan kung bakit nananatiling pasanin ng mga ordinaryong Pilipino ang gastusing medikal.

Ayon sa datos na ibinunyag ni Legarda, nakababahala ang laki ng pondong hindi pa naibibigay sa ahensya. Mula 2023 hanggang 2026, umabot sa P113 bilyon ang hindi pa naire-remit na bahagi ng PhilHealth mula sa koleksyon ng sin taxes. Bukod dito, mayroon pang P106 bil­yon na statutory shares mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amu­sement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang nananatiling hindi nababayaran.

Binatikos din ng senadora ang kontrobersyal na kautusan ng Department of Finance noong 2024 na ilipat ang P60 bilyon mula sa PhilHealth pabalik sa National Treasury. Bagama’t ipinag-utos na ng Supreme Court ang pagbabalik ng nasabing ha­laga, iginiit ni Legarda na ang mga ganitong hakbang ay lalong nagpapahina sa kapasidad ng ahensya na tulungan ang mga pas­yente.

“Marami tayong mga kaba­bayan na mas pipiliin pang magtiis ng sakit sa bahay kaysa pumunta sa ospital dahil sa takot sa babayaran,” aniya.

Tinukoy ni­ya ang sitwasyon ng mga senior citizen na hindi makapagpa-check-up at mga magulang na nag-aalinlangang ipasok sa ospital ang kanilang mga anak dahil sa kakulangan ng pondo, kahit pa sila ay mga miyembro ng PhilHealth.

Bilang solusyon, isinusulong ni Legarda ang Senate Bill No. 1662 o ang PhilHealth Automa­tic Funding Act. Layunin nito na gawing awtomatiko ang pagpapalabas ng pondo mula sa BIR, PAGCOR, at PCSO upang hindi na maantala ang serbisyo.

Iminungkahi rin niya ang unti- unting pag-phase out sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program. Sa halip na lumapit pa sa iba’t ibang opisina ang mga pasyente para “maki­usap” ng tulong, nais ni Legarda na ilipat ang pondo ng MAIFIP nang direkta sa PhilHealth para itaas ang case rates at lawak ng coverage.

Sa huli, binigyang-diin ng se­nadora na ang tunay na diwa ng Universal Health Care ay ang pagbibigay ng dignidad sa mga maysakit—kung saan ang de-kalidad na serbisyong pangkalusugan ay isang karapatan, at hindi isang pakiusap.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here