MANILA, Philippines — Naghain ang Commission on Audit (COA) ng apat pang fraud audit reports sa Office of the Ombudsman kaugnay ng mga flood control project sa Bulacan na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P275 milyon dahil sa umano’y hindi awtorisadong relokasyon at kuwestiyonableng accomplishments.
Ayon sa COA, ipinatupad ang mga proyekto ng DPWH–Bulacan 1st District Engineering Office at iginawad sa SYMS Construction Trading at Wawao Builders.
Kabilang sa mga natuklasan ang umano’y ghost projects, paglilipat ng lokasyon nang walang pahintulot, matitinding kakulangan sa dokumento, at pagbabayad sa mga pre-existing structure batay sa pisikal na inspeksiyon, satellite imagery at geotagged photos ng state auditors.
Isa sa sinita ang P67.5 milyong flood control project sa Brgy. Sta. Monica (Purok 6 hanggang Purok 7) sa Hagonoy na iniulat na 100% kumpleto at bayad na noong Hunyo 2024. Gayunman, sinabi ng COA na walang natagpuang istruktura sa mismong site.
Tinukoy din ang P39.5 milyong riverbank protection project sa Brgy. Malibong Bata, Pandi na umano’y itinayo sa ibang lokasyon nang walang aprubadong awtoridad. Ayon sa ulat, hindi matiyak kung ang mga istrukturang nakita sa approved at aktuwal na lokasyon ay para sa nasabing proyekto dahil sa kakulangan ng mahahalagang dokumento.
Sa Baliuag, sinita rin ang P72.3 milyong Riverbank Protection Structure (Phase IV) sa Brgy. San Roque na may marka umanong kabilang sa ibang proyekto at posibleng may duplication dahil sa overlapping project locations.
Samantala, sa Plaridel, binanggit ng COA na may umiiral nang flood control structures sa site ng P96.4 milyong proyekto sa kahabaan ng Angat River bago pa man maging epektibo ang kontrata. Iniulat pa na natapos ang proyekto sa loob lamang ng 65 araw.
Batay sa imbestigasyon, sinabi ng COA na may mga indikasyon ng sistemikong maling paggamit ng pondo ng bayan.
Maaaring maharap sa kasong graft at corrupt practices, malversation at falsification of documents ang mga sangkot na opisyal. Posible ring may paglabag sa COA Circular No. 2009-001.
Dagdag ng COA, maaari pang madagdagan ang mga ihahaing kaso habang nagpapatuloy ang audit investigation. RNT/JGC