MALIGAYANG KAARAWAN Boss Benny Antiporda, ang tunay na Bossing ng Remate. Nawa’y patuloy kang gabayan ng mabuting pag-iisip, maayos na kalusugan at malakas na pangangatawan upang mas lalong mapagbuti mo ang paglilingkod at pamamahayag. Salamat sa inspirasyon at pamumunong matatag. Hangad namin sa Remate Editorial ang mas marami pang tagumpay at pagpapala sa iyo.
********
UMUGONG muli ang kontrobersiya sa hanay ng Manila Police District dahil sa marangyang pamumuhay ng isang police major na matagal nang pinagmumulan ng usap-usapan.
Ang lifestyle na ito, na labis ang pagpapakita ng yaman sa publiko, ay muling nakabubuo ng alinlangan sa integridad ng kapulisan at tiwala ng mamamayan.
Hindi bago ang naturang opisyal sa mga alegasyong may kinalaman sa yaman. Nauna na itong inimbestigahan ng National Police Commission kaugnay ng pagmamay-ari ng isang lupa sa Tondo, kung saan may reklamo na napilit umano ang dating may-ari na ipasa ang titulo.
Ngunit ang imbestigasyon ay biglang huminto matapos ang umano’y pakikialam ng isang mataas na opisyal. Sa panahong iyon, medyo nag-lie low ang pagpapakitang-yaman ng opisyal, ngunit ngayon ay bumabalik muli ang marangyang lifestyle kasabay ng kanyang bagong posisyon at sinasabing proteksyon mula sa ilang politiko.
May mga bulung-bulungan rin na madalas itong makita sa mansyon ng isang kilalang personalidad sa iligal na sugal sa Maynila, at may alegasyong tumatanggap ng payola mula sa e-sabong. Ang ganitong imahe ay hindi lamang nakaaapekto sa reputasyon ng isa pulis subalit nakasisira rin ito sa kredibilidad ng buong hanay ng pulisya.
Panawagan ngayon sa Napolcom na muling buksan ang imbestigasyon sa lifestyle ng opisyal na ito. Hindi dapat hayaan ng Napolcom na tawanan lang ng opisyal na ito ang kanilang naunang pagwawalang bahala sa biglang pagyaman ng opisyal na ito.
Dapat may malinaw na aksyon at resulta na magbibigay-linaw sa publiko. Hindi maaaring hayaang manatiling maraming pagdududa sa isipan ng mamamayan kaugnay sa integridad ng mga miyembro ng Philippine National Police dahil lang sa impluwensya o posisyon.
Ang disiplina, transparency, at pananagutan ang pundasyon ng tapat na serbisyo publiko. Ang Napolcom ay may tungkuling tiyakin na ang mga opisyal ng kapulisan ay hindi ginagamit ang kanilang pwesto para sa personal na kapakinabangan. Panahon na para ang aksyon ay sumabay sa usapin, hindi lamang sa tsismis.






