Home OPINION MNC PUGAD NG SUGAL, PROTEKTOR

MNC PUGAD NG SUGAL, PROTEKTOR

151
0

NANANATILING usap-usapan ang umano’y paglaganap ng iligal na sugal at panggigipit sa loob ng Manila North Cemetery, isang lugar na inaasahang tahimik at sagrado para sa mga namayapa. Sa halip, lumilitaw sa mga ulat ng ilang residente at impormante na may umiiral na sistema ng proteksyon at pananakot na kinasasangkutan umano ng ilang miyembro ng City Security Force na nakatalaga sa sementeryo.

Ayon sa mga sumbong, nagkaroon ng kaguluhan kamakailan matapos umanong magkulang ang ibinibigay na “entrega” o protection money ng ilang sangkot sa iligal na sugal. Dahil dito, may mga residente ang sinasabing nakaranas ng pananakit. May mga handa na sanang magsampa ng reklamo ngunit umatras umano dahil sa banta sa kanilang kaligtasan at sa seguridad ng kanilang pamilya.

Mayroon ding ulat na may nakapag-video ng insidente at naipost ito sa social media, subalit agad na hinanap at pinabura ng mga hinihinalang sangkot. Dahil sa takot, napilitang umalis sa lugar ang uploader at magtago sa probinsya. Kung mapatutunayan, malinaw na hindi lamang iligal na sugal ang problema kundi pati na rin ang umano’y kultura ng pananakot at proteksyon sa loob ng nasabing pampublikong lugar.

Ang Manila North Cemetery ay hindi lamang basta libingan. Dito nakalagak ang mga labi ng ilang kilalang personalidad gaya nina Fernando Poe Jr., Amado Hernandez, Atang dela Rama, at mga dating pangulo ng bansa tulad nina Sergio Osmeña, Ramon Magsaysay, at Manuel Roxas. Dahil dito, inaasahan ng publiko na maayos at ligtas ang pamamahala sa lugar.

Sa gitna ng mga ulat, lumalakas ang panawagan na dapat magkaroon ng imbestigasyon ang pamahalaan ni Isko Moreno upang alamin ang katotohanan sa likod ng umano’y operasyon ng iligal na sugal, pananakit, at proteksyon. Mahalagang matukoy kung may pagkukulang sa pamunuan ng sementeryo at kung may pananagutan ang mga opisyal at tauhang sangkot.

Ang CSF ay itinalaga upang magpanatili ng kaayusan at seguridad sa mga pasilidad ng lungsod. Kung may mga miyembrong sangkot sa iligal na gawain, nararapat lamang na agad itong tugunan sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon at kaukulang aksyon. Ang katahimikan ng mga nakahimlay at ang kaligtasan ng mga naninirahan at bumibisita sa sementeryo ay hindi dapat isantabi.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here