Home OPINION PAMAHALAANG WALANG KONTROL

PAMAHALAANG WALANG KONTROL

172
0

LALONG umiinit ang tensyon sa usapin ng West Philippine Sea, ngunit malinaw na hindi lang China ang dapat sisihin sa lumalalang banggaan ng salita dahil malaki rin ang pananagutan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpayag na umabot sa ganitong punto ang sitwasyon kung saan mismong mga opisyal at mambabatas ng Pilipinas ang tila nagbubunsod ng mas matinding alitan.

Hindi lingid sa publiko ang naging tirada ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard sa WPS, laban kay Chinese President Xi Jinping. Pinalala pa ito ng mga sulsol na pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro bagaman ang mga pahayag nila ay hindi simpleng opinyon lang subalit maituturing na isang diplomatikong pasabog.

Sa larangan ng internasyonal na ugnayan, ang pambabastos sa lider ng isang makapangyarihang bansa ay hindi biro.Nasaan na ang disiplina ng mga opisyal mula sa Malacañang? Bakit pinayagan ni PBBM at ng mga consultant niya na magsalita nang ganito ang isang opisyal na malinaw na may implikasyon sa relasyon ng dalawang bansa?

Ang isa pang nakapagpalala ng isyu ay ang paninira ng ilang senador na puntirya si Ambassador Jing Quan. Sa halip na tahimik na resolbahin sa diplomatikong paraan, naging pampublikong bangayan ang usapan. Para bang may kompetisyon kung sino ang mas matapang sa media. Ngunit ang totoo, hindi paghanga ang inani nitong mga opisyal natin sa ipinakita nilang tapang sa halip ay batikos sapagkat lumikha sila ng mgas malubhang tensyon para sa mga Pilipino lalo na doon sa mga may kaanak na ang trabaho ay sa China at ilang kolonya nito.

Maging ang Department of Foreign Affairs ay naiipit. Habang sinusubukan nitong pakalmahin ang sitwasyon at panatilihin ang mahinahong diplomasya, may mga opisyal at mambabatas na tila walang pakialam sa mas malawak na epekto ng kanilang salita. Paano mag-aayos ang DFA kung ang sarili nating kampo ang “nagbubuga ng apoy”?

Hindi maitatanggi na may mga isyu sa China at may mga dapat ipaglaban ang Pilipinas. Ngunit ang responsableng pamahalaan ay may kontrol sa sariling hanay. Kung hinahayaan ang mga opisyal na magbato ng maaanghang na pahayag at ang mga senador na maglabas ng hakbang na parang nag-uudyok ng sigalot, malinaw na may kakulangan sa liderato.

Hindi lang China ang dapat bantayan kundi ang sarili nating gobyerno na tila hinahayaan ang ilang personalidad na magpainit ng sitwasyon. Habang ang DFA ay nagtatangkang mag-ayos, may mga boses sa loob na “war mode” ang galaw. Kapag nagpatuloy ito, hindi diplomasya ang mananaig kundi kapalpakan ng pamahalaang hindi marunong magkontrol sa sarili nitong tauhan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here