Home OPINION KRIMENG MATITINDI AT PULIS NI NARTATEZ

KRIMENG MATITINDI AT PULIS NI NARTATEZ

203
0

TATLONG krimen ang magkakasunod na naganap nitong nakalipas na isang linggo lamang at naganap ang mga ito sa iba’t ibang lugar.

Nakaririmarim ang mga krimeng ito at pawang ginawa ng mga suspek na hanggang ngayo’y hindi pa nakikilala o kaya’y person of interest lamang.

TSINAPTSAP SAKA ISINILID SA DRAM

Pinakahuling pangyayari ang pagtsaptsap sa isang lalaki, isinilid sa drum, saka ipinatapon sa mga magkakariton o magbabasura na akala nila ay kumita sila sa pagtatapon ng basura dahil binigyan pa sila ng bayad para rito.

Naganap ito sa harap ng Delpan Sports Complex sa Mel Lopez Boulevard, Barangay 275, Binondo kamakalawa ng gabi.

Naunang may humintong puting utility van sa itaas ng Mel Lopez Bridge, bumaba ang dalawang lalaki at nagbaba ng asul na drum na nakabalot sa malinaw na plastic tape.

Inutusan ang dalawang magkakariton na itapon ang drum ngunit nang buksan nila ito, anak ng tokwa, nagulantang sila sa nakita nilang mga partes ng isang tao na tsaptsap at nakabalot sa itim na trash bag.

Wala nang nagawa ang mga magkakariton kundi i-report ang pangyayari sa mga awtoridad.

Mga suspek? Humarurot sila panorte sa nasabing kalsada at nawala na sa dilim ng gabi.

BALO NI KAPITAN IBINAON SA SARILING LOTE

Wala pang isang taon na balo ni ex-P/Maj. at dating Barangay Balibago, Angeles City Captain Tony Mamac si businesswoman Maria Teresa “Tess” Mamac nang patayin ito at ibaon ng nasa 6 piyeng lalim ng lupa sa sariling nilang lote sa nasabing barangay.

Kung anong dahilan, malalaman pa lang ‘pag naaresto na ang suspek na isang Manuel “Dok” Tolentino, 20 taong family driver ng mag-asawa.

Si Manuel ang suspek dahil ito ang huling nakasama ng biktima at may palatandaang siya ang pumatay sa biktima sa bisa ng CCTV hanggang sa umeskapo ito dala ang sasakyang Toyota Innova ng biktima at iwan ito sa Magalang, Pampanga.

Sinasabing sinadya ang pagpatay at inihanda pa ang paglilibingan ng biktima ngunit nadiskubre ito nang isang paa ng biktima ang nakalabas.

Hinahanting pa si Tolentino ng mga awtoridad.

BEAUTY QUEEN AT TITSER

Hanggang sa mga oras na ito, wala pang pagkakilanlan sa motorcycle gunman na pumatay kay dating Miss Philippines-Earth runner up at ngayo’y public school teacher Lullete Jane Ramilo-De Guzman.

Pinagbabaril siya sa loob ng kanyang sasakyan sa harap ng kanilang bahay at maswerteng hindi natamaan ng mga bala ang kanyang tatlong anak na kasama niya sa Barangay Cabaritan, San Manuel town, Isabela nitong nakaraang Biyernes ng gabi.

KILOS, GENERAL NARTATEZ, et al

Gaya ng inasahan natin, kumilos agad at iniutos ni Philippine National Police chief General Jose Melencio Nartatez ang pagresolba sa mga kriment ito.

Kaya dapat agad tumalima sina Manila Police District PBGen Arnold Abad at MPD spokesman P/Maj. Philipp Ines sa kasong tsaptsap; si P/Col. Joselito Villarosa, director ng Angeles City Police Office para kay Mamac; at sina P/Col. Manuel Bringas, provincial director ng Isabela, at P/Maj. Rogelio Natividad, hepe ng San Manuel Municipal Police Station para kay Mam Lullete.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here