Home NATIONWIDE Marcoleta, Carpio ‘di uurong sa debate sa isyu sa WPS

Marcoleta, Carpio ‘di uurong sa debate sa isyu sa WPS

191
0

MANILA, Philippines – Handang humarap sa debate kaugnay sa mga isyu sa West Philippine Sea sina Senador Rodante Marcoleta at retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio.

Bagamat kinikilala na hindi dapat sumasali sa public arguments ang mga opisyal ng pamahalaan kaunay sa West Philippine Sea, sinabi ni Marcoleta na nais niyang linawin ang kanyang paninindigan sa naturang isyu at iginiit na ang kanyang mga salita ay minanipula at iniba sa orihinal na konteksto.

“Hindi natin binibigyan ng bala ang China. Sila ‘yung salita nang salita ng mali. Nililinlang ang mamamayan, ako ang pinasasama. Ako lang naman ang nagsasabi, kung kailangan natin i-drawing, kailangan pag-usapan natin. Huwag ninyong imamali. Kung ano-ano pinagsasabi nila eh,” sinabi ni Marcoleta sa panayam ng DZBB.

Sa kabilang banda, iginiit ni Carpio na dapat munang aminin ni Marcoleta na mayroong West Philippine Sea bago simulan ang debate.

“Aminin niya na merong West Philippine Sea dahil nasa batas natin eh. Member siya ng Congress when it was passed. E ‘di tapos na. That is our right to declare a West Philippine Sea dahil we have sovereign rights and jurisdiction. ‘Pag sinasabi niyang walang West Philippine Sea, iba na ‘yun, wala tayong magawa kasi belief niya ‘yun eh,” ayon sa dating opisyal ng SC.

“Kapag pabayaan mo si Marcoleta eh mako-confuse kayo…so I have to explain it correctly,” dagdag pa niya.

Kung babalikan, hinamon ni Marcoleta si Carpio, Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, at University of the Philippines Institute of Maritime Affairs and Law of the Sea professor Jay Batongbacal sa isang “friendly debate,” kasunod ng pagpalag ng mga ito sa naging pahayag niya sa Kalayaan Island Group.

Samantala, sinabi ni Philippine Bar Association (PBA) president Rachelle Aileen Santos nitong Miyerkules, dapat munang pagkasunduan nina retired Associate Justice Antonio Carpio at Senador Rodante Marcoleta sa mga isyu na layon nilang pag-usapan.

“Kailangan talaga na magtagpo sila sa proposition na ‘yan. Kailangang pareho ‘yung pinanggagalingan nila, pareho dapat ‘yung issues na gusto nila i-resolve. Doon tayo magsisimula.”

“Kasi kahit doon hindi tayo magkasundo, walang mangyayaring debate. ‘Yun ang actually gagawin ngayon ng PBA,” dagdag pa niya.

Nauna nang nagbigay ang mga ito ng neutral at secured na venue, professional moderates, malinaw na debate protocols, at open access para sa accredited media sa posibleng debate sa West Philippine Sea.

Tinanggap ni Carpio ang alok ng PBA habang si Marcoleta naman ay nagsabing tutuloy lamang siya kung aalisin ang mga limitasyon sa mga usapin. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here