24/7 remittance delivery. Gamit ang International Money Transfer mobile app ng Seven Bank, sure ang mga Overseas Filipinos sa Japan sa fast at secure na remittance ng pera nila sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na bukas ito na pag-aralan ang panukala na limitahan ang paggamit ng mga menor de edad ng social media kasunod ng report na nag-uugnay sa tumataas na teenage pregnancies dahil sa exposure ng mga ito sa online.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang suhestiyon ng mga mambabatas na limitahan ang social media access para sa mga bata ay nangangailangan ng maingat na pagrerepaso at pagsusuri.
“Magandang suggestion po iyan pero kailangang aralin po,” ayon kay Castro.
“Kailangang aralin dahil ang social media naman po ay may positive, may negative na effects sa atin. Kung ito po ay makakatulong sa ating mga kabataan, pag-aaralan po ito para kung anuman ang kanilang maibibigay na suhestiyon ay maaaring maipatupad,” aniya pa rin.
Nauna rito, iniulat ng Commission on Population and Development (CPD) na tumaas na ang kaso ng teenage pregnancy, kabilang na ang mga batang may edad na 10 hanggang 14, na may social media exposure, tinukoy bilang isa sa ‘contributing factors.’
Winika ni Castro na tinutugunan na ng pamahalaan ang isyu sa pamamagitan ng nagpapatuloy na sex education program na ipinatupad ng Department of Health (DOH), alinsunod sa umiiral na batas at cultural standards.
Sinabi pa ni Castro na available at accessible ang adolescent health services kahit walang consent ng magulang, maliban na lamang sa mga kasong nagangailangan ng paggamot o prescribed medication.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Malakanyang sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa karagdagang interbensyon. KRIS JOSE